Showing posts with label Dagli. Show all posts
Showing posts with label Dagli. Show all posts

Tuesday, February 26, 2019

K.W.I. (Kaibigang Walang Iwanan)


Hapon. 

Dali-daling pumasok sa kanyang bahay si Via dahil nasasabik na siya sa kanyang kaibigan na laging naghihintay sa kanyang pag-uwi.

Simula noong nagtrabaho siya ay humiwalay na siya sa kanyang magulang. Sinimulan na nya harapin ang tunay na mundo. Mahirap sa umpisa pero kinaya niya sa paglipas ng panahon. At narito nga siya at masasabik sa bawat pagtatapos ng araw.

"Kamusta ka na? Parang ang haba ng araw na ito. Hindi ka ba nainip? Kanina ko pa nga gusto umuwi eh." Masayang wika niya habang patuloy sa ginagawang paghahanda ng kanyang pagkain. "Na-approve yung propossal ko kanina. Buti na lang talaga naisip mo iyon."

Kakain na. Sa parehong upuan pa din siya naupo. Sa pwesto na kanyang kinasanayan. Dahan-dahan niyang dinadama ang lasa ng ulam na kanyang pinagsikapan.

"Sarap ko na magluto ano? Buti na lang may youtube tutorials." Nakangiti pa ding wika ni Via.
Natapos siyang kumain. Nilamon ng katahimikan ang kanyang bahay. Tanging lagaslas lamang ng tubig ang maririnig. Natapos siya sa gawain at umupo muli sa kanyang paboritong puwesto.

Pero tao pa din si Via. Sumanib na muli sa kanyang sistema ang katotohanan. Damang-dama niya ang lupit ng mundo. Dama niya ang mapagsarhan ng pusong nais umunawa.

"Via, okay ka pa naman, hindi ba?" Wika niya sabay agos ng luha sabay ng pagtango. "Kaya mo pa rin naman maging masaya, hindi ba?"


Nag-iisa si Via at tanging nagawa na lamang niya ay tignan ang kanyang kaibigan nasa kanyang harapan.

Friday, January 4, 2019

WIN-WIN


Nakatitig nanaman si Tina sa kanyang cellphone. Walang sawang iniistalk ang kanyang long time crush na si Alvin. Aabot na yata ng isang dekada silang magkakilala pero hanggang stalk lang sa facebook ang puwede nyang gawin.

Break na pala sila. Nakangiting bulong ni Tina sa sarili. Mukhang bumabalik ung pag-asa ko. I-chat ko na ba?

Pero tulad ng dati, naunahan nanaman ng hiya si Tina. Kahit nabibilang na kasi siya sa makabagong panahon na ang lahat ay instant na, may bahid pa din siya ng pagiging Maria Clara. Hindi niya kayang tularan ang ibang makabagong babae kahit confident naman siya sa halos lahat ng bagay. Kaya nga niya nakilala si Alvin dahil sa pagiging aktibo sa gawaing pampaaralan noong kolehiyo. Bakit nga ba dito pa sa aspektong ito nawalan ng confidence?

Hindi naman masasabing nahuhuli si Tina sa ibang kababaihan. May ganda rin naman siyang maipagmamalaki, ngunit kinulang nga lang sa tangkad. Height does matter talaga kasi ito ang naging dahilan kung bakit hindi siya naisasali sa anumang patimpalak ng pagandahan. Buti na lang may mga quizbee at iba pang patimpalak na magagamit ang katalinuhan, nakakuha pa din siya ng awards. At sa taglay niyang kagandahang kinulang man sa height at katalinuhang kayang manalo sa anumang debate ay hindi pa din siya napansin ng kanyang crush na si Alvin.

Biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nag-wave si Alvin sa messenger.

“OMG! OMG! OMG!” Hawak-hawak niya ang kanyang cellphone malapit sa dibdib niya na kinakabog habang natalon sa ibabaw ng kanyang kama. “Nagta-type na siya.”

Nakakapanabik naman panoorin ang tatlong tuldok na senyales na nagsisismula na siyang magtipa ng kanyang nais sabihin sa akin.

Ano kaya sasabihin niya? Bakit ang tagal? Bakit kaya siya nagchat?

“Tina, nagtitinda ka pa din ba noong stufftoy bouquet? Nakita ko kasi sa post mo noong nakaraan. May available ka bang Pooh? Favorite n’ya kasi yun.” Mensahe ni Alvin.

Gumuho ang mundo niyang punong-puno ng kilig.

“Oorder lang pala siya kaya nga ako napansin at para pa sa kanyang ex-girlfriend. Iniistalk niya din pala profile ko pero para lamang makita ang paninda ko.” Nakasimangot niyang wika habang nakatingin sa kisame. “Hayaan ko na nga, at least tumubo ako.”

“Ah… Oo, mayroon pa ko pa din akong tindang ganoon. Made to order po. Need po ng downpayment to process.” Tugon niya sa kanyang mensahe.

“Ah ganoon ba? I-send ko na din iba kong gustong orderin. Paano ko ibibigay yung downpayment ko?

“Meet up na lang.”

Napangiti na lamang si Tina kasi mdami pala gusto orderin si Alvin.

“Buti na lang online seller ako.” Natatawang sambit niya habang kinukwenta ang napiling items ni Alvin mula sa kanyang naka-post na paninda.

“Kailan meet-up?” Pahabol na mensahe ni Alvin.

At kinilig nanaman ang puso ni Tina habang natugon sa mensahe ni Alvin. Makikita niya kasi ito not once but twice. Puwede naman kasing walang downpayment pero para kay Alvin ay mayroon.


-          Enero 04, 2019 (3 of 365)

SILENT MODE


Ang lahat ay abala. Ang aking nanay ay hindi mapakali sa kusina kung alin ang uunahin: pulutan ba ni tatay o ang all-time-favorite spaghetti ng aming bunsong kapatid. Ang aking mga pamangkin naman ay selfie ng selfie upang maipost sa social media kasabay ng pagbati sa lahat, personal man na kilala o hindi.

                Tawanan at walang humpay nap ag-uusap ang pumuno sa gabi. Abala ang lahat sa mahalaga man o hindi na bagay. Bakas sa kanilang mga labi ang tunay at ganap na kasiyahan. Sino nga bang hindi sasaya sa tuwing sasapit ang araw na ito na punong-puno ng pananabik?

                Kinulbit ako ni nanay at sinenyasan na oras na para kumain. Ilang oras na lamang pala ang hinihintay at sasapit na ang alas dose ng hatinggabi.

                Nagsimula na angmga palaro matapos ang masarap na kainan. Taon-taon naman ay ganito sa aming pamilya at tulad din ng mga lumipas na taon, ito ako at nakaupong nakamasid.

                Countdown na! Tumayo kaming lahat at nagsimula na silang pumalakpak kasabay ng pagbilang. Nagsiliparan na sa kalangitan ang magagandang ilaw kasabay ng inaantay na takdang oras.

                Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa dahil hindi ko din marinig ang aking paligid tulad ng dati. Nagbago na muli ang taon pero ako ay pipi at bingi pa din.

-          Enero 01, 2019 (1 of 365)

Wednesday, January 2, 2019

APPOINTMENT


“Ginabi ka ata.” Bati ni Celia sa kaibigan. “Kanina pa kita hinihintay eh.”

Dahan-dahan akong lumapit sa aking kaibigang na si Celia na suot ang kanyang paboritong kulay na damit. Araw-araw nakaitim si Celia pero hindi niya pa din nalimutan padampian ng pulang lipstick ang kanyang magagandang labi. Lutang pa rin ang ganda nito kahit walang ibang bahid na kolorete maliban sa lipstick. Si Celia ang tanging liwanag ko sa buhay kong madilim.

“Madami kasi akong dinalaw at sinundo ngayong araw na ito.” Wika ko sabay tago ng mga hawak kong papel.

“Ano ba ‘yan?” Nagmamaktol na wika ni Celia. “Kailan mo ba ako paglalaanan ng oras?”

Hindi ko maiwasang matawa sa kinilos ni Celia. Ang cute niya pa din sa kanyang paningin kahit nakasimangot na ito at tila nagtatampo. Ang ngiti ni Celia ang inaasam kong palaging makita tuwing sasapit ang wakas ng araw na lumipas, ang ngiting may bahid nang kalungkutan.

“Celia, hindi ko naman kasi kontrolado ang aking kailangan dalawin.”

“Ay, ganoon ba?” Tumingala si Celia. “Sabagay, hindi bongga kapag madaming kasabay.”

“Tama yan. Special ka sa akin kaya dapat solo mo ang araw na iyon.” Nakangiti kong wika.

Sa wakas, handa na ulit maghintay si Celia. Kung kailan siya muling magmamaktol ay hindi ko alam. Bahala na.

Si Celia na lamang ang tanging kong kaligayahan. Hindi din ako masaya sa aking ginawa. Sino ba ang magiging masaya kung nabuuhay ka lang para magdala ng kalungkutan sa lahat. At alam ko din na ang tunay na kaligayahan ni Celia ay nakasalalay din sa aking mga kamay.

“Baka naman puwede mo na ako mai-schedule bukas oh?” Nagpapacute na wika ni Celia.

                Tinalikuran ko si Celia. Ayaw kong makita ni Celia ang pagbabago ng aking ekspresyon ng mukha. At sasamantalahin na ko ito. Hindi nakatingin si Celia. Inilipat kong muli ang pangalan ni Celia sa pinakadulo ng hanay ng mga papel na aking hawak. Kung hanggang kailan ko ito kayang gawin ay bahala na. Gusto kong mabuhay si Celia at ngingiti hatid ng tunay na kaligayahan mula sa mga masasayang bagay sa kanyang paligid. At tanggap ko din sa aking puso na kailanman ay hindi maaaring ako ang maghahatid nito sa kanya dahil ako si Kamatayan at wala akong dahilan mahalin ng ninuman.

                Pero, okay lang naman maging makasarili paminsan-minsan.


 -Enero 02, 2019 (2 of 365)

Monday, January 15, 2018

TATLONG SALITA

“Good morning po…”
“Kumain ka na?”
“Tulog ka na…”

Mga mensahe mula sa kanya. Mga mensaheng hatid ay kakaibang kilig kahit ang mga pahayag na ito ay simple. Naninirahan sa puso kong nalulumbay.

“Yes! This is it!”Kinikilig kong wika habang hawak ang aking cellphone at pagulong-gulong sa kama.

Kinikilig ako sa usapang may nakapaloob na concern. Kinikilig ako sa biruang walang humpay. Kinikilig ako kahit walang tinatawag na “kami”. Muli, nakadama ako ng kilig na init ang hatid. Bahala na… Dahil ang kilig na ito ay walang kasiguraduhan. Masaya din kaya siya sa pagitan ng mga mensahe na tumatagal ng ilang oras at walang namamalayang oras? Bahala na…

Nagsimula kasi ito noong muli kaming nagkita matapos ang ilan taon. Dumalas ang aming pagtatagpo, basta possible at tugma ang pagkakataon. Dumalas din ang kwentuhan at tawagan. Dumalas din ang byahe sa kung saan-saan: malayo man o malapit lang. Hindi alintana ang alikabok sa kalsada sa bawat paghakbang namin. Braso sa braso… Ngitian at tawanang walang humpay... At magtatapos sa salitang ingat at pagkaway.

“Nakauwi na ako” mensaheng aking ipapahatid sa kanya at may tugong “nasa bahay na” mula sa kanya…

Muli naramdaman ko paano maging babae. Gentleman siya kahit makulit. Nakakahawa din ang ngiti ng kanyang mga mata. Mata na aking kinagigiliwan. Matang nagniningning ngunit hindi ko alam kung ako nga ba ang dahilan.

Sa bawat araw ay siya ang gumigising sa aking diwang himbing. Bawat mensahe ay ngiti ang hatid na babaunin ko na sa buong araw.

“Kayo ba?” Tanong ng isang kaibigan.
“Ah… Eh…” Paano ko ng aba sasagutin ito? Naguguluhan ako kahit puwede naman itong masagot ng simpleng “Oo” o “Hindi”.
“Basta!” Tanging tugon ko.

Isang araw ay nagkaroon ako ng problema. Ipinaalam ko kay Jason ang aking hinaing sa pagitan ng nanginginig na katawan sanhi ng pag-iyak. Hindi ko makalma ang aking sarili.

“Puntahan kita diyan. Kalma ka lang.”Sabi ni Jason sa akin.

Kumalma. Muling tumawa. Muling sumigla. Sumaya muli ang aking mundo at napawi na ang problema na parang kanina lang ay ginuho ang aking mundo. Umuwi ako na may ngiti at tanging mugtong mata ang bakas na natira sa mga nangyari sa nagdaang araw.

“Salamat ah.”Laman ng aking mensahe sa kanya pagdating ko sa aming bahay.
“Para saan?”Tugon niya.
“Para sa concern at sa oras na nilaan mo para sa akin.”
“Wala iyon. Ganoon naman ako sa lahat.”
“😁” Tugon ko.

Mukhang tinapos na nag tatlong salita ang buhay ng mga paro-paro na naninirahan sa aking sistema. Nagsimulang lumamig at dumilim muli ang mundo kong pinainit at kinulayan ng kilig at tawanan. Tatlong salita: FRIENDS LANG KAMI.

Tapos na nga ba? Tama ba ako sa aking hinuha?

Sagot ng puso ko, “Sana ay hindi.”

Friday, December 29, 2017

PINTO

Nakasasabik isipin ang mga gagawin ko sa araw na ito. Pupunta ako sa isang malapit na mall at susulitin ang tinatawag na “Me Time.” Tutal, wala naman talagang “We” kaya wala naman akong pagpipiliang iba kundi “Me.”

Tulad ng dati, nasa tricycle pa lamang ay iniisip ko na kung ano ang oorderin ko mula sa paborito kong kapihan. Kapihan nga ito pero hindi ako umoorder ng kanilang kape, ayos di ba? Alam ko na din kung saan ako uupo, doon pa rin sa dati, at aasa muli sa isang oras na libreng internet connection. Pipiliting patagalin ang inumin ng isang oras o higit pa.

“Hello po Ma’am! Ano pong drink ninyo?” Nakangiting tanong ng Barista.
“Choco Chip Cream Frappe please.” May halong pananabik kong wika.
“Naku! Ma’am sorry po wala na pong chips na available for the drink.”
“Ganoon ba?” May pagkabigo ang himig ng boses kong sagot. “Strawberries and Cream na lang saka… Wala din ung cake na gusto ko.”
“May ibang options pa ma’am.” Nakangiting wika pa din ng crew.
“Sige. Yun na lang…” Pabuntong-hininga kong sagot.

Nasira na agad ang naisip kong plano pero hayaan na lamang. Matapos magbayad ay humanap na ako ng aking puwesto. Bakante ang paborito kong puwesto kung saan ako lagi naupo mag-isa kasama ng aking napiling inumin at pagkain.

Gustong gusto ko sa tabi ng salaming dingding ng establisyamentong ito. Dito kung saan nakikita ko ang lahat ng napasok sa mall. Nakikita ko ang ngiti ng bawat isang napasok sa mall. Ngiting na akala mo laging unang beses nila makapasok sa loob nito. Hindi ba nila naiisip na maginaw sa loob? Hindi ba nila maiisip na limitado ang mauupuan at mapapagod sila sa kakaikot? Siguro nakangiti sila dahil hindi sila nag-iisa: pipili ng damit o gamit ng may kasama, kakain ng may kasama, maglilibot ng may kasama, at tatawa sa pagitan ng bawat gawi at kilos ng may kasama. Minsan pa ay hindi alintana kung maubos man ang kanilang pera basta mahalaga ay mapasaya ang kasama nila.

Bakit nga ba mukhang sa akin lamang madaya ang tadhana? At kailan ko ba tinanggap na matalik na kaibigan ang pag-iisa?

Sa pagitan nang aking pagmumuni-muni at pag-iisip ng kasadlakan ng aking damdamin ay napukaw ng aking cellphone ang aking atensyon. May nagvibrate. May nagreact ng puso sa aking larawan na pinost sa facebook. Larawan ng inumin at pagkaing wala naman talaga sa aking plano pero nagawan pa din lagyan ng kaaya-ayang caption. Si Jason pala, isang kaibigan mula sa nakaraang naging masaya ako sa buhay ko bilang isang masigasig na mag-aaral. May mga nakaraan pa rin palang hindi kailangan kalimutan at iyon ay ang mga kaibigan.

Nasundan ito ng isang mensahe. Malapit lang daw siya sa mall at magkita daw kami. Pumayag naman ako (agad?). Bahala na, kasi ang totoo ay naghahanap din naman talaga ako ng kasama at kausap kahit sinasabi ng aking bibig na hindi. Ihahanda ko na ang sarili ko sa kamustahan dahil matagal din kaming hindi nagkita ni Jason.

Ngiti ang agad niyang sinalubong sa akin noong nagtanaw nya ako at nagtama ang aming mga mata. Ako noo’y nasa loob ng kapihan at siya naman ay nasa labas. Ngumiti ako sa kanya at sumenyas gamit ang aking kamay na “wait lang” at walang tinig mula sa aking bibig na “lalabas na ako.” Pinagbuksan nya ako ng pintuang salamin at paglabas ko ay naibsan ag panlalamig na nadarama ko sa loob ng kapihan. Kailan pa uminit sa mall? Mainit pala sa pakiramdam ang pagpapakita ng tunay na ngiti.

Hinihintay ko na tanungin nya ako, sa pagitan ng mga kwento at mga tawanan. Hinihintay ko na tanungin nya ako sa pagitan ng pag-alala sa panahon ng kadugyutan at kabataan. At sa lahat ng nakakuwentuhan ko, siya lamang ang hindi nagtanong ng pinakamasakit na tanong na kung okay lang ba ako.

Nag-ikot. Nagtawanan. Kumain. Nagawa ko muli ito ng hindi nag-iisa. Nalimot ang ilang buwang kalungkutan dala ng aking pag-iisa at kabiguan. Makulay pala ang mundo. Hindi pala nakakairita ang tinig at halakhakang aking ayaw mapakinggan. Maganda pala ang mundo.

At sa na ito, ako mismo ang sasagot sa tanong na aking iniiwasan. Okay lang ba ako? At ang sagot ko ay Oo, okay na ako. Handa na ako tumawa nang walang halong pagdurusa. Handa na ako ngumiti  mula sa aking puso. Handa na ako buksan ang pinto na aking kinandado.