“Good morning po…”
“Kumain ka na?”
“Tulog ka na…”
Mga mensahe mula sa kanya. Mga mensaheng hatid ay kakaibang kilig kahit ang mga pahayag na ito ay simple. Naninirahan sa puso kong nalulumbay.
“Yes! This is it!”Kinikilig kong wika habang hawak ang aking cellphone at pagulong-gulong sa kama.
Kinikilig ako sa usapang may
nakapaloob na concern. Kinikilig ako sa biruang walang humpay. Kinikilig ako
kahit walang tinatawag na “kami”. Muli, nakadama ako ng kilig na init ang
hatid. Bahala na… Dahil ang kilig na ito ay walang kasiguraduhan. Masaya din
kaya siya sa pagitan ng mga mensahe na tumatagal ng ilang oras at walang
namamalayang oras? Bahala na…
Nagsimula kasi ito noong muli
kaming nagkita matapos ang ilan taon. Dumalas ang aming pagtatagpo, basta possible
at tugma ang pagkakataon. Dumalas din ang kwentuhan at tawagan. Dumalas din ang
byahe sa kung saan-saan: malayo man o malapit lang. Hindi alintana ang alikabok
sa kalsada sa bawat paghakbang namin. Braso sa braso… Ngitian at tawanang
walang humpay... At magtatapos sa salitang ingat at pagkaway.
“Nakauwi na ako” mensaheng aking ipapahatid sa kanya at may tugong “nasa bahay na” mula sa kanya…
Muli naramdaman ko paano maging
babae. Gentleman siya kahit makulit. Nakakahawa din ang ngiti ng kanyang mga
mata. Mata na aking kinagigiliwan. Matang nagniningning ngunit hindi ko alam
kung ako nga ba ang dahilan.
Sa bawat araw ay siya ang gumigising sa aking diwang himbing. Bawat mensahe ay ngiti ang hatid na babaunin ko na sa buong araw.
“Kayo ba?” Tanong ng isang kaibigan.
“Ah… Eh…” Paano ko ng aba sasagutin ito? Naguguluhan ako
kahit puwede naman itong masagot ng simpleng “Oo” o “Hindi”.
“Basta!” Tanging tugon ko.
Isang araw ay nagkaroon ako ng problema. Ipinaalam ko kay Jason ang aking hinaing sa pagitan ng nanginginig na katawan sanhi ng pag-iyak. Hindi ko makalma ang aking sarili.
“Puntahan kita diyan. Kalma ka lang.”Sabi ni Jason sa akin.
Kumalma. Muling tumawa. Muling sumigla. Sumaya muli ang aking mundo at napawi na ang problema na parang kanina lang ay ginuho ang aking mundo. Umuwi ako na may ngiti at tanging mugtong mata ang bakas na natira sa mga nangyari sa nagdaang araw.
“Salamat ah.”Laman ng aking mensahe sa kanya pagdating ko sa aming bahay.
“Para saan?”Tugon niya.
“Para sa concern at sa oras na nilaan mo para sa akin.”
“Wala iyon. Ganoon naman ako sa lahat.”
“😁”
Tugon ko.
Mukhang tinapos na nag tatlong salita ang buhay ng mga paro-paro na naninirahan sa aking sistema. Nagsimulang lumamig at dumilim muli ang mundo kong pinainit at kinulayan ng kilig at tawanan. Tatlong salita: FRIENDS LANG KAMI.
Tapos na nga ba? Tama ba ako sa aking hinuha?
Sagot ng puso ko, “Sana ay hindi.”
No comments:
Post a Comment