Nakasasabik
isipin ang mga gagawin ko sa araw na ito. Pupunta ako sa isang malapit na mall
at susulitin ang tinatawag na “Me Time.” Tutal, wala naman talagang “We” kaya wala
naman akong pagpipiliang iba kundi “Me.”
Tulad
ng dati, nasa tricycle pa lamang ay iniisip ko na kung ano ang oorderin ko mula
sa paborito kong kapihan. Kapihan nga ito pero hindi ako umoorder ng kanilang
kape, ayos di ba? Alam ko na din kung saan ako uupo, doon pa rin sa dati, at
aasa muli sa isang oras na libreng internet connection. Pipiliting patagalin
ang inumin ng isang oras o higit pa.
“Hello po Ma’am! Ano pong drink
ninyo?” Nakangiting tanong ng Barista.
“Choco Chip Cream Frappe please.”
May halong pananabik kong wika.
“Naku! Ma’am sorry po wala na
pong chips na available for the drink.”
“Ganoon ba?” May pagkabigo ang
himig ng boses kong sagot. “Strawberries and Cream na lang saka… Wala din ung
cake na gusto ko.”
“May ibang options pa ma’am.” Nakangiting
wika pa din ng crew.
“Sige.
Yun na lang…” Pabuntong-hininga kong sagot.
Nasira
na agad ang naisip kong plano pero hayaan na lamang. Matapos magbayad ay
humanap na ako ng aking puwesto. Bakante ang paborito kong puwesto kung saan
ako lagi naupo mag-isa kasama ng aking napiling inumin at pagkain.
Gustong
gusto ko sa tabi ng salaming dingding ng establisyamentong ito. Dito kung saan nakikita
ko ang lahat ng napasok sa mall. Nakikita ko ang ngiti ng bawat isang napasok
sa mall. Ngiting na akala mo laging unang beses nila makapasok sa loob nito.
Hindi ba nila naiisip na maginaw sa loob? Hindi ba nila maiisip na limitado ang
mauupuan at mapapagod sila sa kakaikot? Siguro nakangiti sila dahil hindi sila
nag-iisa: pipili ng damit o gamit ng may kasama, kakain ng may kasama, maglilibot
ng may kasama, at tatawa sa pagitan ng bawat gawi at kilos ng may kasama. Minsan pa ay hindi alintana kung maubos man ang kanilang pera basta mahalaga ay
mapasaya ang kasama nila.
Bakit
nga ba mukhang sa akin lamang madaya ang tadhana? At kailan ko ba tinanggap na
matalik na kaibigan ang pag-iisa?
Sa
pagitan nang aking pagmumuni-muni at pag-iisip ng kasadlakan ng aking damdamin
ay napukaw ng aking cellphone ang aking atensyon. May nagvibrate. May nagreact
ng puso sa aking larawan na pinost sa facebook. Larawan ng inumin at pagkaing
wala naman talaga sa aking plano pero nagawan pa din lagyan ng kaaya-ayang caption.
Si Jason pala, isang kaibigan mula sa nakaraang naging masaya ako sa buhay ko
bilang isang masigasig na mag-aaral. May mga nakaraan pa rin palang hindi
kailangan kalimutan at iyon ay ang mga kaibigan.
Nasundan
ito ng isang mensahe. Malapit lang daw siya sa mall at magkita daw kami. Pumayag
naman ako (agad?). Bahala na, kasi ang totoo ay naghahanap din naman talaga ako
ng kasama at kausap kahit sinasabi ng aking bibig na hindi. Ihahanda ko na ang
sarili ko sa kamustahan dahil matagal din kaming hindi nagkita ni Jason.
Ngiti
ang agad niyang sinalubong sa akin noong nagtanaw nya ako at nagtama ang aming mga
mata. Ako noo’y nasa loob ng kapihan at siya naman ay nasa labas. Ngumiti ako
sa kanya at sumenyas gamit ang aking kamay na “wait lang” at walang tinig mula
sa aking bibig na “lalabas na ako.” Pinagbuksan nya ako ng pintuang salamin at
paglabas ko ay naibsan ag panlalamig na nadarama ko sa loob ng kapihan. Kailan
pa uminit sa mall? Mainit pala sa pakiramdam ang pagpapakita ng tunay na ngiti.
Hinihintay
ko na tanungin nya ako, sa pagitan ng mga kwento at mga tawanan. Hinihintay ko
na tanungin nya ako sa pagitan ng pag-alala sa panahon ng kadugyutan at
kabataan. At sa lahat ng nakakuwentuhan ko, siya lamang ang hindi nagtanong ng
pinakamasakit na tanong na kung okay lang ba ako.
Nag-ikot.
Nagtawanan. Kumain. Nagawa ko muli ito ng hindi nag-iisa. Nalimot ang ilang
buwang kalungkutan dala ng aking pag-iisa at kabiguan. Makulay pala ang mundo. Hindi
pala nakakairita ang tinig at halakhakang aking ayaw mapakinggan. Maganda pala
ang mundo.
At
sa na ito, ako mismo ang sasagot sa tanong na aking iniiwasan. Okay lang ba
ako? At ang sagot ko ay Oo, okay na ako. Handa na ako tumawa nang walang halong
pagdurusa. Handa na ako ngumiti mula sa
aking puso. Handa na ako buksan ang pinto na aking kinandado.

No comments:
Post a Comment