Tuesday, February 26, 2019

K.W.I. (Kaibigang Walang Iwanan)


Hapon. 

Dali-daling pumasok sa kanyang bahay si Via dahil nasasabik na siya sa kanyang kaibigan na laging naghihintay sa kanyang pag-uwi.

Simula noong nagtrabaho siya ay humiwalay na siya sa kanyang magulang. Sinimulan na nya harapin ang tunay na mundo. Mahirap sa umpisa pero kinaya niya sa paglipas ng panahon. At narito nga siya at masasabik sa bawat pagtatapos ng araw.

"Kamusta ka na? Parang ang haba ng araw na ito. Hindi ka ba nainip? Kanina ko pa nga gusto umuwi eh." Masayang wika niya habang patuloy sa ginagawang paghahanda ng kanyang pagkain. "Na-approve yung propossal ko kanina. Buti na lang talaga naisip mo iyon."

Kakain na. Sa parehong upuan pa din siya naupo. Sa pwesto na kanyang kinasanayan. Dahan-dahan niyang dinadama ang lasa ng ulam na kanyang pinagsikapan.

"Sarap ko na magluto ano? Buti na lang may youtube tutorials." Nakangiti pa ding wika ni Via.
Natapos siyang kumain. Nilamon ng katahimikan ang kanyang bahay. Tanging lagaslas lamang ng tubig ang maririnig. Natapos siya sa gawain at umupo muli sa kanyang paboritong puwesto.

Pero tao pa din si Via. Sumanib na muli sa kanyang sistema ang katotohanan. Damang-dama niya ang lupit ng mundo. Dama niya ang mapagsarhan ng pusong nais umunawa.

"Via, okay ka pa naman, hindi ba?" Wika niya sabay agos ng luha sabay ng pagtango. "Kaya mo pa rin naman maging masaya, hindi ba?"


Nag-iisa si Via at tanging nagawa na lamang niya ay tignan ang kanyang kaibigan nasa kanyang harapan.

No comments:

Post a Comment