Hatinggabi. Umuulan. Binabasa ng
ulan ang buong kapaligiran kasabay ng pagkabasa ng aking mga unan mula sa aking
binabagyong puso. Buti ay mag-isa lamang ako sa aking inuupahang bahay. Walang
makakakita at makaririnig ng aking dalamhati kasabay ng pagpapatugtog ng
malulungkot na kanta mula sa Youtube. Tila nakikiayon pa dahil mga kanta ni
Moira ang sunod-sunod na nagpeplay.
Tumunog ang aking cellphone. Si
Jason. Bakit gising ka pa? Pero hindi
ako nagreply.
Nasundan pa ulit. Tulog ka na… May lakad pa tayo bukas ‘di
ba? Wala pa din akong tugon.
Bakit kasi kailangan pang ipakita
na ‘Active Now’ at napapalamutian pa ng berdeng ilaw sa tabi ng larawan ang mensenger?
Bakit kasi kailangan pang ipakita na na-seen mo na ang mensahe niya? Halata
tuloy na sadyang ayaw ko magreply sa kanya. Hindi ko naman siya mablock dahil
wala naman akong dahilan o dahil hindi niya alam ang dahilan kung bakit ako
ganito. Friends kami eh. Tumagal na din pala ng ilang taon ang aming pagkakaibigan.
Nagring ang cellphone ko. Siya ang
natawag. Sa ikatlong beses nitong tumawag naisipan ko na itong sagutin. Kinalma
muna ang sarili at pinigil ang hikbi.
“Hello? Anong nangyari sa iyo?” Halata
sa boses ni Jason ang pag-aalala. “Hindi ka nagrereply sa messages ko eh.”
“Okay lang ako.” Tipid kong tugon.
“Okay? Bakit ganyan boses mo?
Puntahan kita diyan ngayon sa bahay mo.”
“Okay lang talaga ako.”
“Wait mo ko diyan.”
Sa ilang saglit ay mayroong nakatok
sa aking pintuan. Si Jason. Halata sa kanyang mukha ang pag-aalala na dapat
hindi ko na lang nakita. Hinehele nito ang aking puso ngunit alam ko na ang
katotohanan. Ang makita siya ngayon ay nagdadagdag ng dahilan upang huwag akong
bumitaw mula sa pag-aasam ng kanyang atensyon at presensya.
“Pasok ka.” Nakayuko kong wika.
Hindi ko gusto na makita niya ang aking
mukha: ang aking mugtong mga mata na halata pa din sa likod ng aking malaking
salamin, namumulang ilong at pisngi, at panunuyong mga labi. Ngunit naririto na
siya. Sumugod sa ulanan upang malaman ang katotohanan kung okay lang ako.
“Buti may load pa ako.” Masigla
nyang wika. “Bakit hindi mo… Umiiyak ka?”
“Masakit lang ulo ko.” Tugon ko.
“Saka natatakot ako.”
“Saan?”
Gusto kong sabihing natatakot ako
sa mga darating na araw. Paano ko kakayanin na hindi mahulog sa iyo kung
pinapasaya mo ang puso ko? Pero iba ang isinagot ko.
“Sleep Paralysis.” Kinailangan
magsinungaling upang takasan ang mga tanong na bakit.
“Naulit nanaman ba? Hindi muna kita
iiwan. Dito lang ako.”
“Huwag na…” Pero sa totoo ay
nalulugod ang aking puso. “Uwi ka na.”
“Naku! Basta. ‘Wag kang makulit.”
Nakangiti niyang wika.
“Ikaw bahala.”
Nasa lapag siya at ako naman ang
nasa kama. Hindi pa din ako makatulog dahil siguro sa presensya na hindi naman
pala naging akin. Ang tanging magagawa ko na lamang ay titigan ag bawat bahagi
ng kanyang mukha: ang kanyang matang tila laging nakapikit na humihila sa akin
para ngumiti, ang kanyang labi na ngumingiti sa bawat biro na binibitawan at siya
na palihim kong minahal. Pero dapat kong maunawaan na wala palang kami. Walang matatawag
na amin. Tanging ako at siya ang mayroon kami. Magkahiwalay na salitang
tumutukoy kung ano nga ba ang mayroon sa pagitan ng aming malapit at matamis na
samahan. Paano na bukas? Pumikit na lamang ako dahil hindi ko din naman
masasagot ang katanungang pumupuyat sa aking diwa.
Paano naman kasi magkakagusto sa
akin si Jason? Hindi naman ako kasing ganda ng ibang babae na nakakasalamuha
niya. Hind din nauso sa akin ang OOTD. Tshirt at shorts ay okay na para sa
akin. Ang daming ibang babae sa paligid na malamang mas magugustuhan niya.
Umaga na. Wala na sa lapag si
Jason. May nakapatong din na kumot sa aking katawan kahit na alam ko na natulog
akong wala nito. Hindi ko na din kasi namalayan na dinalaw na pala ako ng antok.
Nasa kusina si Jason at tila abala sa pagsisiyasat ng maaaring iluto para sa
aming dalawa.
“Gising ka na pala.” Masigla niyang
wika. “Upo ka na. Teka ipagtimpla kita ng kape.”
“Ako na, kaya ko naman eh.” Sambit
ko kasabay ng aking paghakbang patungo sa pinaglalagyan ng kape.
Bigla niya akong niyakap mula sa
likuran. Gusto kong magwala para alisin ang kanyang mga bisig mula sa aking
katawan pero hinayaan ko lang siya dahil gusto ko ito. Pinapagaang ng yakap
niya ang aking nadaramang lungkot. Ang yakap na ito ay ang aking babaunin sa
aking pagbitaw sa damdaming inilaan ko sa kanya. Babaunin ko ang alaala nito
hanggang sa aking pagbalik sa estadong magkaibigan lamang. At least ang
friendship mayroong forever.
“Sorry.” Wika niya. Kalmado ang tinig
niya habang nakayakap pa rin sa akin.
Tila tumigil ang lahat sa aming
paligid. Itinigil ng isang makapangyarihang salita na binubuo ng limang letra.
Ang mga katanungan ay unti-unting sumusulpot sa aking isipan ngunit isa man sa
mga ito ay hindi ko mabigkas. Sa wakas ay nagkaroon na ako ng lakas. Tinanggal
ko ang kanyang mga bisig at humarap ako sa kanya.
“Sorry. Alam ko na ako ang may
kasalanan bakit ka ganyan.” Wika niya habang nakatingin sa aking mga mata.
“Paano?”
“Sinabi ni Mel.” Nakayuko niyang
wika. “Tinanong ko kasi siya kung may alam ba siya kung ano ang dahilan kung
bakit kakaiba ka ngayon.”
“Anong sabi niya?”
“Sorry. Hinayaan kita mafall ng
hindi ko nararamdaman. Ang manhid ko!”
Bigla-bigla, ako ay naging pipi.
Wala akong masabing anumang salita.
“Hindi kita sinalo at hinayaan kita
masaktan ng dahil sa akin. Sorry.”
Katahimikan ang namayani sa aking
bahay. Tanging ang tunog ng takure ang nagpapaalala na nasa mundo pa din kami
na puno ng mga bagay na hindi pangmatagalan.
“Wala kang kasalanan.” Wika ko.
“Ako ang nafall ng hindi ko sinasadya. Ako ang naging mahina sa pagpigil ng
nadarama. Naging mabuti ka at iyon ay hindi mo kasalanan.”
“Sorry. Natakot akong saluhin ka.”
Niyakap niya akong muli. “Pero kagabi, noong nagdesisyon akong puntahan ka,
magtatapat na sana ako.”
“Huh? Anong ibig mong sabihin?”
Bigla-bigla ang tibok ng aking puso ay bumilis. Nararamdaman niya kaya ito kasabay
ng humihigpit niyang yakap sa akin?
“Gusto kita.” Wika ni Jason sa
tapat ng aking tainga.
“Hindi naman ako maganda eh.” Nakangiti
kong wika.
“Gusto kita noon pa. At mahal kita…
at minamahal pa habang lalo kita nakikilala.”
“Uy! Yung tubig sa takure.”
Natatawa kong wika kasabay ng kilig na aking nadarama.
Ito na ata ang pinakamasarap na
almusal na naranasan ko sa buong buhay ko. Kakain kami ng sabay. Mamaya ay
aalis din kami. Muli ay magtatawanan muli kaming dalawa na tila amin ang mundo.
dahil mayroon palang matatawag na kami.
No comments:
Post a Comment