“Ginabi ka ata.” Bati ni Celia sa kaibigan. “Kanina pa kita
hinihintay eh.”
Dahan-dahan akong lumapit sa aking
kaibigang na si Celia na suot ang kanyang paboritong kulay na damit. Araw-araw
nakaitim si Celia pero hindi niya pa din nalimutan padampian ng pulang lipstick
ang kanyang magagandang labi. Lutang pa rin ang ganda nito kahit walang ibang
bahid na kolorete maliban sa lipstick. Si Celia ang tanging liwanag ko sa buhay
kong madilim.
“Madami kasi akong dinalaw at sinundo ngayong araw na ito.”
Wika ko sabay tago ng mga hawak kong papel.
“Ano ba ‘yan?” Nagmamaktol na wika ni Celia. “Kailan mo ba
ako paglalaanan ng oras?”
Hindi ko maiwasang matawa sa kinilos
ni Celia. Ang cute niya pa din sa kanyang paningin kahit nakasimangot na ito at
tila nagtatampo. Ang ngiti ni Celia ang inaasam kong palaging makita tuwing
sasapit ang wakas ng araw na lumipas, ang ngiting may bahid nang kalungkutan.
“Celia, hindi ko naman kasi kontrolado ang aking kailangan
dalawin.”
“Ay, ganoon ba?” Tumingala si Celia. “Sabagay, hindi bongga
kapag madaming kasabay.”
“Tama yan. Special ka sa akin kaya dapat solo mo ang araw na
iyon.” Nakangiti kong wika.
Sa wakas, handa na ulit maghintay
si Celia. Kung kailan siya muling magmamaktol ay hindi ko alam. Bahala na.
Si Celia na lamang ang tanging kong
kaligayahan. Hindi din ako masaya sa aking ginawa. Sino ba ang magiging masaya
kung nabuuhay ka lang para magdala ng kalungkutan sa lahat. At alam ko din na
ang tunay na kaligayahan ni Celia ay nakasalalay din sa aking mga kamay.
“Baka naman puwede mo na ako mai-schedule bukas oh?” Nagpapacute
na wika ni Celia.
Tinalikuran
ko si Celia. Ayaw kong makita ni Celia ang pagbabago ng aking ekspresyon ng
mukha. At sasamantalahin na ko ito. Hindi nakatingin si Celia. Inilipat kong
muli ang pangalan ni Celia sa pinakadulo ng hanay ng mga papel na aking hawak.
Kung hanggang kailan ko ito kayang gawin ay bahala na. Gusto kong mabuhay si
Celia at ngingiti hatid ng tunay na kaligayahan mula sa mga masasayang bagay sa
kanyang paligid. At tanggap ko din sa aking puso na kailanman ay hindi maaaring
ako ang maghahatid nito sa kanya dahil ako si Kamatayan at wala akong dahilan
mahalin ng ninuman.
Pero, okay
lang naman maging makasarili paminsan-minsan.
-Enero 02, 2019 (2 of
365)
No comments:
Post a Comment