Monday, November 26, 2018

Mendacity


A love told to kill the joy.
A love told to cover the truth.
A love told to kill hope for the better days.
And a love told to make tomorrow unworthy of waiting.

Lies hide behind joys
And joys are hidden behind lies.
That is the sad truth about love,
Then better stop loving.

Saturday, October 6, 2018

REUNION



Pamilyar na pangalan ang bumungad sa aking messenger request. Si Yna, isang kamag-aral noong ako ay nasa elementarya pa lamang, ang nagpadala ng mensahe. Ilan taon na nga ba ang lumipas? Halos dalawang dekada na pala na simula noong ako ay nagtapos ng elementarya.

Hello batchmate! Naaalala mo pa ba ako?
Oo naman Yna… Musta na? Tugon ko.
Heto, okay naman ako. May reunion nga pala ang batch natin.
Ay talaga! Bet ko yan. Balitaan mo ko ah.

Naramdaman ko ang pananabik na makita silang muli. Ang saya siguro alalahanin ang panahon ng kabataan: mga panahong puno ng kasiyahan, tawanan at kakulitan na may bahid kainosentehan. Ang tanging problema lang noon ay kung kailan mauubos ang nakahandang lecture na pinapakopya ng aming guro. Masaya lahat, mula sa pagsayaw tuwing flag ceremony ng exercise na amin na taon mong nang ginagawa hanggang sa pagpo-floor wax ng sahig na may kasamang harutan bago umuwi. Inosente pa ang lahat na ganito pala kahirap maging miyembro ng titas of Cavite at isang full-pledged adult na punong-puno ng adulting problems.

Makukumpleto kaya yung seksyon naming? Dadating kaya yung mga ka-close ko? Dadalo kaya siya?

                Lumipas ang mga araw at dumating ang takdang araw ng reunion. Balita ko wala pa daw asawa ung aking childhood sweetheart. Kahit kasi noon uso na loveteam na nabubuo sa loob ng isang magulo pero masayang silid-aralan.

                Kasabay ang aking pananabik ay ang pagdami ng nabubuong katanungan sa aking isipan. Ano na kaya itsura nya? Mas gumuwapo kaya? Bakit kaya single pa din kaya siya? Nakakainis naman kasi dahill nakaprivate lahat sa Facebook nya at hindi pa nya kino-confirm ung friend request ko. Baka hindi niya ako nakikilala dahil iba ang spelling ng pangalan sa facebook. Sa reunion, sisiguraduhin kong i-aacept na niya friend request ko.

                Nagsagawa ako ng mga paghahanda. Baka this is it! Baka hinihintay talaga ng tadhana na magkita kami upang mag-exist ang ikaw at ako sa buhay naming dalawa. Baka kami talagang dalawa ang para sa isa’t isa. Nawa’y pagkatapos ng reunion na ito ay magiging makulay na muli ang aking mundo. Nagparebond na ako with hair color pa. Nagready na din ako ng pang-OOTD kahit may libre naman daw kaming t-shirt na inisponsor ng pinakamayaman naming batchmate.

Aba! Aya, trenta ka na! Landi-landi din kapag may time! Pati sarili ko pinepressure na ang sarili ko. Yung bigla ko na lang naisip na tumatanda na pala ako. Bwisit kasing study first yan, hindi tuloy ako nakalandi noong college ako. Noong nakagraduate naman ako, career woman naman ang kinareer ko. Kaya ito na ako, may paglandi at age of thirty.

This is it! Nakangiti akong pumasok sa resort na paggaganapan ng Class Reunion. Hapit na hapit na damit ang aking sinuot kahit nabalitaan kong may nagpadala ng litson baboy. Tiis ganda sa ngalan ng lovelife. Fighting!

Kuwentuhan dito, kuwentuhan doon. Tawanan dito, tawanan doon. Sa sobrang saya ng lahat ay tila hindi nadadama ang gutom. Naging dekorasyon na lamang ang litson at nagpabango ng hangin ang mga ulam na inihanda. Basta masaya lang ang lahat na magkitakitang muli at magbalik tanaw sa naganap na nakaraang lumipas.

“Uy! Si Joseph dumating na sa wakas!”  Natatawang wika ng aking kamag-aral.

Lumingon ang lahat sa dakong iyon. Nasaan si Joseph? Bakit imahe ng isang babae ang akin nakikita? Mahaba ang kanyang buhok na kulot at balingkinitan ang katawang perpekto ang hubog. Biglang humarap sa aming direksyon ang bagong dating. Siya nga.

“Josephine na ako ngaun, Greg.” Natatawang wika ng bagong dating.

“Yna, hindi ko pa nga pala nakukuha yung batch shirt ko. Isusuot ko na.”

                Masimulan na nga ang litson.

Thursday, February 15, 2018

Ang Probability ng Perfect Timing

Naku! Late na ko!
Humahangos na naman ako patungo sa sakayan. Siguro hindi nakukumpleto ang aking linggo kung wala akong moment na ganito. Kailangan may marathon or amazing race na nagaganap sa umaga ko upang makumpleto ang exciting kong linggo.
Hindi naman ako nale-late dahil matagal ako sa salamin upang mag-ayos, pulbos at lipstick lang ay okay na. Hindi din naman ako maarte sa pananamit. Sabi ko nga lagi, “Comfort over style.” Sinuwerte din ako dahil ang aking trabaho ay hindi nag-oobliga ng uri ng pananamit. Wear what you want to wear sabi ng aming boss sa isang pet clinic na aking pinagtatrabahuhan bilang isang beterinaryo.
Sakto!
Mayroon na agad dumating na airconditioned bus ngunit maraming katunggali. Gusto ko pa naman maupo dahil gusto kong ipagpatuloy ang aking panonood ng KDrama na tanging dahilan upang ako ay kiligin.
Ready! Get set! Go! Singit!
Tagumpay dahil una akong nakapasok sa loob ng bus. Kahit mga kalalakihan pa ang aking kaagaw sa karapatang unang pumasok sa bus ay kinaya pa din mauna. Sa panahon ngayon kasi ay hindi na batayan ang gender upang paupuin ka. At suwerte dahil isa lamang pala ang bakanteng upuan. Buti hindi ako naniwala sa sinabi ng konduktor na maluwag pa daw. Sabagay, tama naman siya. Maluwag sa gitna ng bus.
Siya ulit!
Bakit ba madalas kong nakakatabi ang lalaking ito sa bus? Destiny? Fate? Siguro pang walong beses ko na siya nakatabi. Wow! Infinity! At sa dumaang pitong beses ay hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya. Bakit kasi hindi siya nagsusuot ng ID o tshirt na may nakalagay na name nya. At ngayong pangwalong beses na, ito na siguro ang magde-decide kung he is the one na nga.
Sino ba ang hindi makakapansin sa kanya? Buti na lang at tulog siya kaya nagawa ko siyang titigan ng malaya, hindi na panakaw. Maputi ang balat niya. Bakat sa kanyang pananamit ang ganda ng kanyang katawan at higit sa lahat ay mabango siya. Makinis din ang kanyang balat at pati ang kanyang mukha na parang hindi dumaan sa puberty stage ng buhay. Sa aking anggulo ay kita ang tangos ng kanyang ilong. At bumighani pa sa akin ay ang ganda ng kanyang singkit na mata. Ang ganda din ng kanyang ngiti, parang pang toothpaste commercial. Narinig ko na din ang kanyang tinig minsan na tila may kausap tungkol sa pagsasaayos ng computer. Ang pronunciation niya at paraan ng pagpapaliwanag ay humehele sa akin. Mukhang may sense itong kausap. Perfect! Ideal guy ko na ba ito? Nag-eexist pala ang ganitong tao na binuo ko lamang sa aking imahinasyon.
Lumipas ang thirty minutes. Wala na akong maunawaan sa aking pinapanood dahil sa kanyang presensya kaya umidlip na lang ako. Ngunit sa aking pagmulat ng mata ay nabigla ako. Ang aking ulo ay nakasandal na sa kanyang balikat at ang kanyang ulo naman ay nakapatong din sa aking ulo. Tila lovers kami kahit hindi naman talaga. Natulog na lang ako muli dahil hindi ko din alam kung ano ang gagawin.
“Sino bababa sa Quirino Avenue? Lumapit na po!” Sigaw ng konduktor.
Ang tinig na ito ng konduktor ang gumising sa akin. Naramdaman ko din ang paggalaw ng aking katabi. Ang awkward na ng moment. Nakapikit pa din ako kahit gising na talaga ang katawang tao ko at diwa. Ano nga ba ang perfect move?
“Miss?” Si Ideal guy.
Kinakausap niya ako. Gosh! Kaya naalimpungatan ako kunwari. Bagong gising kunwari para hindi awkward. “Ay! Sorry po.” Angat ko ng aking ulo kasabay ng pagpa-panic na totoo naman talaga.
“Okay lang.” Naka-smile niyang wika.
Lihim akong kinikilig. Lucky day ko na ba ito? Itatanong na ba niya ang name ko? Sasabihin din ba niya na pamilyar ako sa kanya kasi madalas ko siya makatabi sa bus? Gosh! Ano ang isasagot ko? Hindi ako ready. Obvious kasi na may gusto siyang sabihin.
“Excuse me ah. Pababa na kasi ako.”
“Ah… Eh… Okay…” Nahihiya kong wika. Nagbigay ako ng daan para sa kanya. Hinayaan ko na umalis sa tabi ko ang aking pinapantasya. Hindi pala ito ang aking lucky day.
Ako naman ay bumaba sa Pedro Gil St. kung saan naroon ang pet clinic na aking pinagtatrabahuhan. Walong beses ang lumipas nang wala man lang akong kaalaman-alam kung sino ba siya. Hindi nga talaga yata puwede na maging kayo ng ideal guy mo. Dadaan lamang siya. Pareho kayong sasakay patungo sa inyong destinasyon at bababa ng hindi magkasama. Magkaiba pala kayo ng bababaan at pupuntahan. Nagkasabay lang. Ganoon talaga ang life.
7:59:59. Saktong time in ko sa biometrics. Lucky day pa din! Hindi ako na-late.
“Wow! Buzzer beater ka nanaman.” Natatawang wika ni Jane ang aking assistant slash best buddy sa clinic.
“Oo na.” Natatawa na din ako para na din mapagtakpan ang pagkadismasya ko sa umagang ito.
Binaba ko ang aking gamit at sinuot ang aking doctor’s gown. Back to work! Excited na din naman ako makita muli ang mga furbaby na kilala na din ako sa dalas nila dumalaw upang magpacheck up kasama ng kanilang mga furparents.
Lumipas na ang oras. Alas-onse medya na pala. Lunch break is coming! Pero may isa pa daw akong pasyente magpapa-check up ng kanyang furbaby.
Welcome po!” Nakangiti kong bungad sa pumasok sa pinto.
Siya! Si Ideal Guy!
Hello. Ikaw di ba ung bus? Yung madalas kong nakakatabi? Vet ka pala.”
“Ah… eh… Oo. Pasensya na kanina ah.” Natatawa kong wika. Napapansin na din pala niya ako. Napansin ko ang kanyang bitbit. “New puppy?”
“Yup. Ireregalo ko sana sa…”
Girlfriend?” Curious kong tanong. Medyo aggressive ang dating pero para na din sa ikakagaang ng aking puso.
“Sa sister ko.” Natatawa niyang sagot. “Birthday niya kasi. Pero ipapa-check up ko muna sana bago ko ibigay sa kanya. Saka gusto ko din i-verify itong vet record niya dito sa clinic nyo.”
“Ah okay. Wait lang po ah.” Naka-smile kong wika. Tumalikod ako patungo sa records ng aming mga pasyente pero hindi pa din maalis ang ngiti ko. Humarap ako sa kanya muli “May record nga siya dito .”
“By the way. Can eat lunch together?”
Oh no! My lunch out kami ni Jane saka ni Dra. Bea. Naunang na-set iyon kahapon pa.Sorry, I can’t. May kasabay kasi ako mag-lunch today.” Wrong timing talaga. Hindi nga siguro meant to be. Bakit kasi ngayon pa?
“Ganoon ba. I understand. James nga pala.” Nakangiti siya sa akin habang naghihintay ang kanyang kanang kamay ng katugon. “Nice meeting you, Dra. Madison.”
“Mady na lang.” Natatawa kong wika.
Umalis na siya. Umalis na si James the Ideal Guy ko. Siguro ganoon talaga. Ita-transfer pa naman niya sa ibang vet clinic for consultation ang puppy niya dahil taga-Cavite pa siya tulad ko. Sa lawak ng Cavite mababa ang probability na magkita kami ulit. Hindi siguro talaga kami itinakda dahil gumawa na ng paraan ang tadhana pero may mga dahilan pa din para hindi magtugma.
Kinabukasan, day off ko kaya naisipan ko manood ng sine mag-isa sa isang mall malapit sa amin. Hindi naman ito ang unang beses na ginawa kong manood mag-isa. Nasanay na din ako dahil ilan taon na din naman akong single. Natuto na ko maging independent gawin ang maraming bagay.
Nasa counter na ako noong may narinig akong pamilyar na boses. Si James. At mukhang pareho pa kami ng papanooring pelikula. Nagkatinginan kami at ngumiti sa isa’t isa.


Tuesday, January 30, 2018

KAIBIGAN O KAIBIGAN


Hatinggabi. Umuulan. Binabasa ng ulan ang buong kapaligiran kasabay ng pagkabasa ng aking mga unan mula sa aking binabagyong puso. Buti ay mag-isa lamang ako sa aking inuupahang bahay. Walang makakakita at makaririnig ng aking dalamhati kasabay ng pagpapatugtog ng malulungkot na kanta mula sa Youtube. Tila nakikiayon pa dahil mga kanta ni Moira ang sunod-sunod na nagpeplay.
Tumunog ang aking cellphone. Si Jason. Bakit gising ka pa? Pero hindi ako nagreply.
Nasundan pa ulit. Tulog ka na… May lakad pa tayo bukas ‘di ba? Wala pa din akong tugon.
Bakit kasi kailangan pang ipakita na ‘Active Now’ at napapalamutian pa ng berdeng ilaw sa tabi ng larawan ang mensenger? Bakit kasi kailangan pang ipakita na na-seen mo na ang mensahe niya? Halata tuloy na sadyang ayaw ko magreply sa kanya. Hindi ko naman siya mablock dahil wala naman akong dahilan o dahil hindi niya alam ang dahilan kung bakit ako ganito. Friends kami eh. Tumagal na din pala ng ilang taon ang aming pagkakaibigan.
Nagring ang cellphone ko. Siya ang natawag. Sa ikatlong beses nitong tumawag naisipan ko na itong sagutin. Kinalma muna ang sarili at pinigil ang hikbi.
“Hello? Anong nangyari sa iyo?” Halata sa boses ni Jason ang pag-aalala. “Hindi ka nagrereply sa messages ko eh.”
“Okay lang ako.” Tipid kong tugon.
“Okay? Bakit ganyan boses mo? Puntahan kita diyan ngayon sa bahay mo.”
“Okay lang talaga ako.”
“Wait mo ko diyan.”
Sa ilang saglit ay mayroong nakatok sa aking pintuan. Si Jason. Halata sa kanyang mukha ang pag-aalala na dapat hindi ko na lang nakita. Hinehele nito ang aking puso ngunit alam ko na ang katotohanan. Ang makita siya ngayon ay nagdadagdag ng dahilan upang huwag akong bumitaw mula sa pag-aasam ng kanyang atensyon at presensya.
“Pasok ka.” Nakayuko kong wika.
Hindi ko gusto na makita niya ang aking mukha: ang aking mugtong mga mata na halata pa din sa likod ng aking malaking salamin, namumulang ilong at pisngi, at panunuyong mga labi. Ngunit naririto na siya. Sumugod sa ulanan upang malaman ang katotohanan kung okay lang ako.
“Buti may load pa ako.” Masigla nyang wika. “Bakit hindi mo… Umiiyak ka?”
“Masakit lang ulo ko.” Tugon ko. “Saka natatakot ako.”
“Saan?”
Gusto kong sabihing natatakot ako sa mga darating na araw. Paano ko kakayanin na hindi mahulog sa iyo kung pinapasaya mo ang puso ko? Pero iba ang isinagot ko.
“Sleep Paralysis.” Kinailangan magsinungaling upang takasan ang mga tanong na bakit.
“Naulit nanaman ba? Hindi muna kita iiwan. Dito lang ako.”
“Huwag na…” Pero sa totoo ay nalulugod ang aking puso. “Uwi ka na.”
“Naku! Basta. ‘Wag kang makulit.” Nakangiti niyang wika.
“Ikaw bahala.”
Nasa lapag siya at ako naman ang nasa kama. Hindi pa din ako makatulog dahil siguro sa presensya na hindi naman pala naging akin. Ang tanging magagawa ko na lamang ay titigan ag bawat bahagi ng kanyang mukha: ang kanyang matang tila laging nakapikit na humihila sa akin para ngumiti, ang kanyang labi na ngumingiti sa bawat biro na binibitawan at siya na palihim kong minahal. Pero dapat kong maunawaan na wala palang kami. Walang matatawag na amin. Tanging ako at siya ang mayroon kami. Magkahiwalay na salitang tumutukoy kung ano nga ba ang mayroon sa pagitan ng aming malapit at matamis na samahan. Paano na bukas? Pumikit na lamang ako dahil hindi ko din naman masasagot ang katanungang pumupuyat sa aking diwa.
Paano naman kasi magkakagusto sa akin si Jason? Hindi naman ako kasing ganda ng ibang babae na nakakasalamuha niya. Hind din nauso sa akin ang OOTD. Tshirt at shorts ay okay na para sa akin. Ang daming ibang babae sa paligid na malamang mas magugustuhan niya.
Umaga na. Wala na sa lapag si Jason. May nakapatong din na kumot sa aking katawan kahit na alam ko na natulog akong wala nito. Hindi ko na din kasi namalayan na dinalaw na pala ako ng antok. Nasa kusina si Jason at tila abala sa pagsisiyasat ng maaaring iluto para sa aming dalawa.
“Gising ka na pala.” Masigla niyang wika. “Upo ka na. Teka ipagtimpla kita ng kape.”
“Ako na, kaya ko naman eh.” Sambit ko kasabay ng aking paghakbang patungo sa pinaglalagyan ng kape.
Bigla niya akong niyakap mula sa likuran. Gusto kong magwala para alisin ang kanyang mga bisig mula sa aking katawan pero hinayaan ko lang siya dahil gusto ko ito. Pinapagaang ng yakap niya ang aking nadaramang lungkot. Ang yakap na ito ay ang aking babaunin sa aking pagbitaw sa damdaming inilaan ko sa kanya. Babaunin ko ang alaala nito hanggang sa aking pagbalik sa estadong magkaibigan lamang. At least ang friendship mayroong forever.
“Sorry.” Wika niya. Kalmado ang tinig niya habang nakayakap pa rin sa akin.
Tila tumigil ang lahat sa aming paligid. Itinigil ng isang makapangyarihang salita na binubuo ng limang letra. Ang mga katanungan ay unti-unting sumusulpot sa aking isipan ngunit isa man sa mga ito ay hindi ko mabigkas. Sa wakas ay nagkaroon na ako ng lakas. Tinanggal ko ang kanyang mga bisig at humarap ako sa kanya.
“Sorry. Alam ko na ako ang may kasalanan bakit ka ganyan.” Wika niya habang nakatingin sa aking mga mata.
“Paano?”
“Sinabi ni Mel.” Nakayuko niyang wika. “Tinanong ko kasi siya kung may alam ba siya kung ano ang dahilan kung bakit kakaiba ka ngayon.”
“Anong sabi niya?”
“Sorry. Hinayaan kita mafall ng hindi ko nararamdaman. Ang manhid ko!”
Bigla-bigla, ako ay naging pipi. Wala akong masabing anumang salita.
“Hindi kita sinalo at hinayaan kita masaktan ng dahil sa akin. Sorry.”
Katahimikan ang namayani sa aking bahay. Tanging ang tunog ng takure ang nagpapaalala na nasa mundo pa din kami na puno ng mga bagay na hindi pangmatagalan.
“Wala kang kasalanan.” Wika ko. “Ako ang nafall ng hindi ko sinasadya. Ako ang naging mahina sa pagpigil ng nadarama. Naging mabuti ka at iyon ay hindi mo kasalanan.”
“Sorry. Natakot akong saluhin ka.” Niyakap niya akong muli. “Pero kagabi, noong nagdesisyon akong puntahan ka, magtatapat na sana ako.”
“Huh? Anong ibig mong sabihin?” Bigla-bigla ang tibok ng aking puso ay bumilis. Nararamdaman niya kaya ito kasabay ng humihigpit niyang yakap sa akin?
“Gusto kita.” Wika ni Jason sa tapat ng aking tainga.
“Hindi naman ako maganda eh.” Nakangiti kong wika.
“Gusto kita noon pa. At mahal kita… at minamahal pa habang lalo kita nakikilala.”
“Uy! Yung tubig sa takure.” Natatawa kong wika kasabay ng kilig na aking nadarama.

Ito na ata ang pinakamasarap na almusal na naranasan ko sa buong buhay ko. Kakain kami ng sabay. Mamaya ay aalis din kami. Muli ay magtatawanan muli kaming dalawa na tila amin ang mundo. dahil mayroon palang matatawag na kami. 

Friday, January 26, 2018

HINDI AKO MARUNONG LUMANGOY

Nalulunod, ako ay nalulunod
Sa mundong aking pinili
Kinalimutan ang sarili at sumunod
Para na din sa ating ikakabuti.

Nalulunod, ako ay nalulunod
Sa tinahak kong direksyon
Walang bahid na nakakalugod
Sa puso kong punong puno ng intensyon

Nalulunod, ako ay nalulunod
Dahil binawalan mo ko lumangoy
Kaligayahan ay tanging napapanood
At tanging nagawa ay tumaghoy

Tama na… suko na ako…
Sige pa… punuin mo pa…
Tuluyan mo na ako lunurin…

Ngingiti ako at bibitiw na…

Wednesday, January 17, 2018

Para Sa Iyo Ito

Dear Self,

Alam ko kung ano ang pinagdadaanan mo. Alam ko kung gaano kahirap ang maging malungkot kahit ayaw mo na maging malungkot. Alam ko ang kung gaano mo kagusto maging masaya sa buhay mo ngayon. Durog na durog ka na. Sinungaling ka kung sasabuhin mong okay ka na. Sinungaling ka kung sasabihin mong wala ng bahid ng kalungkutan. Pero, tama na.
Siguro nakangiti ka ngayon pero sa likod ng ngiting may kasama pang halakhak at bungisngis ay ang luhang hind pumapatak. Mga luha na bumabaha na sa iyong sistema ngunit walang kang magawa kundi ipunin ito. Ipunin ito hanggang ito mismo ang lumunod sa iyo.
Ramdam ko na din ang pagod mong magpanggap. Gustong gusto mo na umiyak. Gustong gusto mo na isigaw lahat kasabay ng pagbuhos ng mga luha sa iyong mga mata. Umiyak lamang ng umiyak hanggang sa wala ka nang mailuha pa. Umiyak hanggang maubos na ang lahat ng naipon. At nawa ay madala ng bawat patak ang iyong pighati at sakit na nadarama. Pero may makakaunawa ba? May maiiyakan ka ba na hindi huhusgahan? Nakakatakot ‘di ba? Mahirap na kasi baka sabihang nag-iinarte ka.
Sino ba ang ayaw sumaya? ‘Di ba gusto mo din? Hinahanap-hanap mo yung sarili mo na taglay ang katauhang walang humpay ang saya. Ikaw kasi yung madali mapasaya kahit sa simpleng bagay. Ang babaw mo na kahit ikaw mismo ay hindi maunawaan kung bakit. Nalimot mo na din tumawa ng walang humpay  na hindi na ito mapigilan. Yung mamumula ka na lang at maluluha dahil sa kakatawa. Nariyan pa ba siya?
Nasaan na siya? Naalala mo pa ba siya? Nariyan lamang siya, lunod na lunod na sa luhang bumabaha sa iyong sistema. Nakagapos, na ikaw mismo ang gumapos, at walang laban sa nagaganap sa iyong buhay.  Tama na! Piliin mo naman maging masaya. Bumalik ka na dahil ikaw yun. Pagod ka na magbalat-kayo. Aminin mo, tama ako ‘di ba? Palayain mo na ang sarili mo dahil habang tumatagal ay hindi na kita kilala.
                Kung hindi man ngayon, maniwala ka na darating ang panahong mabubuo ka din. Kaya simulan mo na pulutin ang mga pira-pirasong dinurog ng pighati at pagdurusa dala ng matinding pagsubok na dumating sa iyong buhay. Tutulungan kita. Babangon tayo upang harapin muli ang buhay na noon ay punongpuno ng sigla at pananabik sa bawat araw. Kaya mo ‘yan!



Nagmamahal,

Self

Monday, January 15, 2018

TATLONG SALITA

“Good morning po…”
“Kumain ka na?”
“Tulog ka na…”

Mga mensahe mula sa kanya. Mga mensaheng hatid ay kakaibang kilig kahit ang mga pahayag na ito ay simple. Naninirahan sa puso kong nalulumbay.

“Yes! This is it!”Kinikilig kong wika habang hawak ang aking cellphone at pagulong-gulong sa kama.

Kinikilig ako sa usapang may nakapaloob na concern. Kinikilig ako sa biruang walang humpay. Kinikilig ako kahit walang tinatawag na “kami”. Muli, nakadama ako ng kilig na init ang hatid. Bahala na… Dahil ang kilig na ito ay walang kasiguraduhan. Masaya din kaya siya sa pagitan ng mga mensahe na tumatagal ng ilang oras at walang namamalayang oras? Bahala na…

Nagsimula kasi ito noong muli kaming nagkita matapos ang ilan taon. Dumalas ang aming pagtatagpo, basta possible at tugma ang pagkakataon. Dumalas din ang kwentuhan at tawagan. Dumalas din ang byahe sa kung saan-saan: malayo man o malapit lang. Hindi alintana ang alikabok sa kalsada sa bawat paghakbang namin. Braso sa braso… Ngitian at tawanang walang humpay... At magtatapos sa salitang ingat at pagkaway.

“Nakauwi na ako” mensaheng aking ipapahatid sa kanya at may tugong “nasa bahay na” mula sa kanya…

Muli naramdaman ko paano maging babae. Gentleman siya kahit makulit. Nakakahawa din ang ngiti ng kanyang mga mata. Mata na aking kinagigiliwan. Matang nagniningning ngunit hindi ko alam kung ako nga ba ang dahilan.

Sa bawat araw ay siya ang gumigising sa aking diwang himbing. Bawat mensahe ay ngiti ang hatid na babaunin ko na sa buong araw.

“Kayo ba?” Tanong ng isang kaibigan.
“Ah… Eh…” Paano ko ng aba sasagutin ito? Naguguluhan ako kahit puwede naman itong masagot ng simpleng “Oo” o “Hindi”.
“Basta!” Tanging tugon ko.

Isang araw ay nagkaroon ako ng problema. Ipinaalam ko kay Jason ang aking hinaing sa pagitan ng nanginginig na katawan sanhi ng pag-iyak. Hindi ko makalma ang aking sarili.

“Puntahan kita diyan. Kalma ka lang.”Sabi ni Jason sa akin.

Kumalma. Muling tumawa. Muling sumigla. Sumaya muli ang aking mundo at napawi na ang problema na parang kanina lang ay ginuho ang aking mundo. Umuwi ako na may ngiti at tanging mugtong mata ang bakas na natira sa mga nangyari sa nagdaang araw.

“Salamat ah.”Laman ng aking mensahe sa kanya pagdating ko sa aming bahay.
“Para saan?”Tugon niya.
“Para sa concern at sa oras na nilaan mo para sa akin.”
“Wala iyon. Ganoon naman ako sa lahat.”
“😁” Tugon ko.

Mukhang tinapos na nag tatlong salita ang buhay ng mga paro-paro na naninirahan sa aking sistema. Nagsimulang lumamig at dumilim muli ang mundo kong pinainit at kinulayan ng kilig at tawanan. Tatlong salita: FRIENDS LANG KAMI.

Tapos na nga ba? Tama ba ako sa aking hinuha?

Sagot ng puso ko, “Sana ay hindi.”