Dear Self,
Alam ko kung ano ang pinagdadaanan
mo. Alam ko kung gaano kahirap ang maging malungkot kahit ayaw mo na maging
malungkot. Alam ko ang kung gaano mo kagusto maging masaya sa buhay mo ngayon.
Durog na durog ka na. Sinungaling ka kung sasabuhin mong okay ka na.
Sinungaling ka kung sasabihin mong wala ng bahid ng kalungkutan. Pero, tama na.
Siguro nakangiti ka ngayon pero sa
likod ng ngiting may kasama pang halakhak at bungisngis ay ang luhang hind
pumapatak. Mga luha na bumabaha na sa iyong sistema ngunit walang kang magawa
kundi ipunin ito. Ipunin ito hanggang ito mismo ang lumunod sa iyo.
Ramdam ko na din ang pagod mong
magpanggap. Gustong gusto mo na umiyak. Gustong gusto mo na isigaw lahat
kasabay ng pagbuhos ng mga luha sa iyong mga mata. Umiyak lamang ng umiyak
hanggang sa wala ka nang mailuha pa. Umiyak hanggang maubos na ang lahat ng
naipon. At nawa ay madala ng bawat patak ang iyong pighati at sakit na
nadarama. Pero may makakaunawa ba? May maiiyakan ka ba na hindi huhusgahan? Nakakatakot
‘di ba? Mahirap na kasi baka sabihang nag-iinarte ka.
Sino ba ang ayaw sumaya? ‘Di ba
gusto mo din? Hinahanap-hanap mo yung sarili mo na taglay ang katauhang walang
humpay ang saya. Ikaw kasi yung madali mapasaya kahit sa simpleng bagay. Ang
babaw mo na kahit ikaw mismo ay hindi maunawaan kung bakit. Nalimot mo na din
tumawa ng walang humpay na hindi na ito
mapigilan. Yung mamumula ka na lang at maluluha dahil sa kakatawa. Nariyan pa
ba siya?
Nasaan na siya? Naalala mo pa ba
siya? Nariyan lamang siya, lunod na lunod na sa luhang bumabaha sa iyong
sistema. Nakagapos, na ikaw mismo ang gumapos, at walang laban sa nagaganap sa
iyong buhay. Tama na! Piliin mo naman
maging masaya. Bumalik ka na dahil ikaw yun. Pagod ka na magbalat-kayo. Aminin
mo, tama ako ‘di ba? Palayain mo na ang sarili mo dahil habang tumatagal ay
hindi na kita kilala.
Kung
hindi man ngayon, maniwala ka na darating ang panahong mabubuo ka din. Kaya
simulan mo na pulutin ang mga pira-pirasong dinurog ng pighati at pagdurusa
dala ng matinding pagsubok na dumating sa iyong buhay. Tutulungan kita.
Babangon tayo upang harapin muli ang buhay na noon ay punongpuno ng sigla at
pananabik sa bawat araw. Kaya mo ‘yan!
Nagmamahal,
Self
No comments:
Post a Comment