Friday, January 4, 2019

WIN-WIN


Nakatitig nanaman si Tina sa kanyang cellphone. Walang sawang iniistalk ang kanyang long time crush na si Alvin. Aabot na yata ng isang dekada silang magkakilala pero hanggang stalk lang sa facebook ang puwede nyang gawin.

Break na pala sila. Nakangiting bulong ni Tina sa sarili. Mukhang bumabalik ung pag-asa ko. I-chat ko na ba?

Pero tulad ng dati, naunahan nanaman ng hiya si Tina. Kahit nabibilang na kasi siya sa makabagong panahon na ang lahat ay instant na, may bahid pa din siya ng pagiging Maria Clara. Hindi niya kayang tularan ang ibang makabagong babae kahit confident naman siya sa halos lahat ng bagay. Kaya nga niya nakilala si Alvin dahil sa pagiging aktibo sa gawaing pampaaralan noong kolehiyo. Bakit nga ba dito pa sa aspektong ito nawalan ng confidence?

Hindi naman masasabing nahuhuli si Tina sa ibang kababaihan. May ganda rin naman siyang maipagmamalaki, ngunit kinulang nga lang sa tangkad. Height does matter talaga kasi ito ang naging dahilan kung bakit hindi siya naisasali sa anumang patimpalak ng pagandahan. Buti na lang may mga quizbee at iba pang patimpalak na magagamit ang katalinuhan, nakakuha pa din siya ng awards. At sa taglay niyang kagandahang kinulang man sa height at katalinuhang kayang manalo sa anumang debate ay hindi pa din siya napansin ng kanyang crush na si Alvin.

Biglang tumunog ang kanyang cellphone. Nag-wave si Alvin sa messenger.

“OMG! OMG! OMG!” Hawak-hawak niya ang kanyang cellphone malapit sa dibdib niya na kinakabog habang natalon sa ibabaw ng kanyang kama. “Nagta-type na siya.”

Nakakapanabik naman panoorin ang tatlong tuldok na senyales na nagsisismula na siyang magtipa ng kanyang nais sabihin sa akin.

Ano kaya sasabihin niya? Bakit ang tagal? Bakit kaya siya nagchat?

“Tina, nagtitinda ka pa din ba noong stufftoy bouquet? Nakita ko kasi sa post mo noong nakaraan. May available ka bang Pooh? Favorite n’ya kasi yun.” Mensahe ni Alvin.

Gumuho ang mundo niyang punong-puno ng kilig.

“Oorder lang pala siya kaya nga ako napansin at para pa sa kanyang ex-girlfriend. Iniistalk niya din pala profile ko pero para lamang makita ang paninda ko.” Nakasimangot niyang wika habang nakatingin sa kisame. “Hayaan ko na nga, at least tumubo ako.”

“Ah… Oo, mayroon pa ko pa din akong tindang ganoon. Made to order po. Need po ng downpayment to process.” Tugon niya sa kanyang mensahe.

“Ah ganoon ba? I-send ko na din iba kong gustong orderin. Paano ko ibibigay yung downpayment ko?

“Meet up na lang.”

Napangiti na lamang si Tina kasi mdami pala gusto orderin si Alvin.

“Buti na lang online seller ako.” Natatawang sambit niya habang kinukwenta ang napiling items ni Alvin mula sa kanyang naka-post na paninda.

“Kailan meet-up?” Pahabol na mensahe ni Alvin.

At kinilig nanaman ang puso ni Tina habang natugon sa mensahe ni Alvin. Makikita niya kasi ito not once but twice. Puwede naman kasing walang downpayment pero para kay Alvin ay mayroon.


-          Enero 04, 2019 (3 of 365)

SILENT MODE


Ang lahat ay abala. Ang aking nanay ay hindi mapakali sa kusina kung alin ang uunahin: pulutan ba ni tatay o ang all-time-favorite spaghetti ng aming bunsong kapatid. Ang aking mga pamangkin naman ay selfie ng selfie upang maipost sa social media kasabay ng pagbati sa lahat, personal man na kilala o hindi.

                Tawanan at walang humpay nap ag-uusap ang pumuno sa gabi. Abala ang lahat sa mahalaga man o hindi na bagay. Bakas sa kanilang mga labi ang tunay at ganap na kasiyahan. Sino nga bang hindi sasaya sa tuwing sasapit ang araw na ito na punong-puno ng pananabik?

                Kinulbit ako ni nanay at sinenyasan na oras na para kumain. Ilang oras na lamang pala ang hinihintay at sasapit na ang alas dose ng hatinggabi.

                Nagsimula na angmga palaro matapos ang masarap na kainan. Taon-taon naman ay ganito sa aming pamilya at tulad din ng mga lumipas na taon, ito ako at nakaupong nakamasid.

                Countdown na! Tumayo kaming lahat at nagsimula na silang pumalakpak kasabay ng pagbilang. Nagsiliparan na sa kalangitan ang magagandang ilaw kasabay ng inaantay na takdang oras.

                Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa dahil hindi ko din marinig ang aking paligid tulad ng dati. Nagbago na muli ang taon pero ako ay pipi at bingi pa din.

-          Enero 01, 2019 (1 of 365)

Wednesday, January 2, 2019

APPOINTMENT


“Ginabi ka ata.” Bati ni Celia sa kaibigan. “Kanina pa kita hinihintay eh.”

Dahan-dahan akong lumapit sa aking kaibigang na si Celia na suot ang kanyang paboritong kulay na damit. Araw-araw nakaitim si Celia pero hindi niya pa din nalimutan padampian ng pulang lipstick ang kanyang magagandang labi. Lutang pa rin ang ganda nito kahit walang ibang bahid na kolorete maliban sa lipstick. Si Celia ang tanging liwanag ko sa buhay kong madilim.

“Madami kasi akong dinalaw at sinundo ngayong araw na ito.” Wika ko sabay tago ng mga hawak kong papel.

“Ano ba ‘yan?” Nagmamaktol na wika ni Celia. “Kailan mo ba ako paglalaanan ng oras?”

Hindi ko maiwasang matawa sa kinilos ni Celia. Ang cute niya pa din sa kanyang paningin kahit nakasimangot na ito at tila nagtatampo. Ang ngiti ni Celia ang inaasam kong palaging makita tuwing sasapit ang wakas ng araw na lumipas, ang ngiting may bahid nang kalungkutan.

“Celia, hindi ko naman kasi kontrolado ang aking kailangan dalawin.”

“Ay, ganoon ba?” Tumingala si Celia. “Sabagay, hindi bongga kapag madaming kasabay.”

“Tama yan. Special ka sa akin kaya dapat solo mo ang araw na iyon.” Nakangiti kong wika.

Sa wakas, handa na ulit maghintay si Celia. Kung kailan siya muling magmamaktol ay hindi ko alam. Bahala na.

Si Celia na lamang ang tanging kong kaligayahan. Hindi din ako masaya sa aking ginawa. Sino ba ang magiging masaya kung nabuuhay ka lang para magdala ng kalungkutan sa lahat. At alam ko din na ang tunay na kaligayahan ni Celia ay nakasalalay din sa aking mga kamay.

“Baka naman puwede mo na ako mai-schedule bukas oh?” Nagpapacute na wika ni Celia.

                Tinalikuran ko si Celia. Ayaw kong makita ni Celia ang pagbabago ng aking ekspresyon ng mukha. At sasamantalahin na ko ito. Hindi nakatingin si Celia. Inilipat kong muli ang pangalan ni Celia sa pinakadulo ng hanay ng mga papel na aking hawak. Kung hanggang kailan ko ito kayang gawin ay bahala na. Gusto kong mabuhay si Celia at ngingiti hatid ng tunay na kaligayahan mula sa mga masasayang bagay sa kanyang paligid. At tanggap ko din sa aking puso na kailanman ay hindi maaaring ako ang maghahatid nito sa kanya dahil ako si Kamatayan at wala akong dahilan mahalin ng ninuman.

                Pero, okay lang naman maging makasarili paminsan-minsan.


 -Enero 02, 2019 (2 of 365)