Tuesday, February 26, 2019

AKTIBO NGAYON


Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Maganda umaga...
Magandang tanghali...
Magandang gabi...
Mga pagbating tila kay dali,
Ngunit  ang pagtipa ay hindi mawari.

Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Kamusta ang araw mo?
Kumain ka na ba?
Saan ka na?
Nakauwi ka na ba?
Mababaw man pero puno ng pag-alala,
Ngunit baka ikaw ay maabala.

Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Kasing lalim ng piping pag-aalala
Nanabik na ikaw ay mauna,
Maunang tumipa ng mga letra.
Puso ko'y mananabik sa pagsayaw ng tatlong tuldok.
Susundan ng nakapanapanabik na tunog.
Hatid ay ngiting nagmantsa sa aking sistema
Ngunit hanggang ngayon ay wala pa.

Ako ay patuloy na aasa,
Maghihintay na ikaw ay makaalala.
At kapag hindi ko na kinaya,
Iisipin na lamang kita sa tuwina. 

BALIK SA SIMULA


Nakagapos sa mahigpit na laso
Nakapuntirya na ang mapait na palaso
At tapusin ang pusong umaasa
Sa kailanman ay walang tamis na matatamasa

Mistulang mangmang sa mundong puno ng mali
Anumang talino ay pipiliing ikubli
Na mali na manabik at maghintay
Sa kanya na wala ka naman saysay

Sasabog na kahit anong pigil
Sinisigawan na ang sarili upang tumigil
Tanging nagawa tumulala
Ang ulan ay hinayang kumawala

K.W.I. (Kaibigang Walang Iwanan)


Hapon. 

Dali-daling pumasok sa kanyang bahay si Via dahil nasasabik na siya sa kanyang kaibigan na laging naghihintay sa kanyang pag-uwi.

Simula noong nagtrabaho siya ay humiwalay na siya sa kanyang magulang. Sinimulan na nya harapin ang tunay na mundo. Mahirap sa umpisa pero kinaya niya sa paglipas ng panahon. At narito nga siya at masasabik sa bawat pagtatapos ng araw.

"Kamusta ka na? Parang ang haba ng araw na ito. Hindi ka ba nainip? Kanina ko pa nga gusto umuwi eh." Masayang wika niya habang patuloy sa ginagawang paghahanda ng kanyang pagkain. "Na-approve yung propossal ko kanina. Buti na lang talaga naisip mo iyon."

Kakain na. Sa parehong upuan pa din siya naupo. Sa pwesto na kanyang kinasanayan. Dahan-dahan niyang dinadama ang lasa ng ulam na kanyang pinagsikapan.

"Sarap ko na magluto ano? Buti na lang may youtube tutorials." Nakangiti pa ding wika ni Via.
Natapos siyang kumain. Nilamon ng katahimikan ang kanyang bahay. Tanging lagaslas lamang ng tubig ang maririnig. Natapos siya sa gawain at umupo muli sa kanyang paboritong puwesto.

Pero tao pa din si Via. Sumanib na muli sa kanyang sistema ang katotohanan. Damang-dama niya ang lupit ng mundo. Dama niya ang mapagsarhan ng pusong nais umunawa.

"Via, okay ka pa naman, hindi ba?" Wika niya sabay agos ng luha sabay ng pagtango. "Kaya mo pa rin naman maging masaya, hindi ba?"


Nag-iisa si Via at tanging nagawa na lamang niya ay tignan ang kanyang kaibigan nasa kanyang harapan.

Monday, February 25, 2019

PROJECT LUBID


Tulala sa kanyang paboritong sulok ng silid-aralan. Tila walang nakakapansin sa kanyang presensya. Madadama lamang na naroon siya sa bawat pagbuntong hininga. Panibagong araw nga ang dumating pero parang wala namang bagong damdamin para sa kanya.

"Aya, tapos na ba yung project natin." May pag-aalala sa tinig ni Mia. "Mamaya na kasi iyon, hindi ba?"

Tumunghay ng kaunti mula sa pagkakauko sa kanyang upuan si Aya. "Natapos ko na." Walang emosyong ang boses noong siya ay nagwika pero may ngiti sa kanyang labi.

Masayang lumayo si Mia. Bumalik muli sa kanyang upuan at nawala sa kanyang anyo ang bahid ng pag-aalala. At naiwan pa din si Aya sa kanyang sulok.

Lumilipas ang oras na naroon lamang siya. Kasama ng musika ay isinasara niya ang kanyang mundo mula sa mga halakahakang hindi niya mahanapan ng sinseridad. Sinasara nya ang kanyang mundo mula sa nakakabibinging pag-uusap na nakikita nya sa mukha ng kanyang mga kamag-aral.

Sa wakas at natapos na ang araw na mukhang uulitin niyang muli bukas.

"Aya, ito yung lubid para sa project natin." Patakbong abot ni Allen at mabilis din lumayo.

Naiwang nakatitig si Aya sa lubid sa kanyang kamay. Parang may nakita siyang liwanag mula rito. Nakadama siya ng pag-asa na may kalayaang naghihintay sa kanya dahil dito.

"Sayang yung lubid. Pangproject to eh." Wika niya kasunod ng isang malalim na buntong hininga.

Nagsimula nang humakbang si Aya pauwi. Ihahanda nya muli ang sarili sa uuliting kaganapan kinabukasan.

Kung Puwede Lang Sana


Sa pagmulat ng aking mga mata
Ay ikaw ang agad nais na makita
Kasama ang iyong mga ngiti sa umaga
Masaya yun di ba?

At kung sa pagmulat man ay manimdim
Mapanglaw man ang paningin
Ang tinig mo ang hahalina
Masaya yun di ba?

Mainit na kapeng pagsasaluhan
Tinapay man o sopas na pinaghirapan
Susuliting tuwina na magkasama
Masaya yun di ba?

Bawat araw ay hiwalay ng landas
Pero may kamustahan oras-oras
At may dahilan sumaya dahil uwian na
Masaya yun di ba?

Ilang oras muli ang hihintayin
Sa pag-alala sa iyo'y oras ay papatayin
At nasasabik na ikaw ay yakapin
Masaya yun di ba?

Sa iyong pagdating ay kakalingain
Mga bagay na maaari ko ng gawin
Nakahahalina sa aking pusong piniling mahalin
Masaya yun di ba?

Lumipas ang araw at pagod na ang lahat
Ngunit ang dahilan ngumiti ay higit pa sa sapat
Magkayakap na hihimbing at mata ay ilalapat
Masaya yun di ba?

Pero wala ng hihigit pang saya
Kung ang lahat ay maging katotohanan na
Na sa bawat umaga ay ikaw ang aking masilayan
At dumilim man ay wala nang hiwalayan.