Tuesday, November 28, 2023

RELO

 Ang higpit ng mga yakap sa aking pulso

Ang kasanayang nariyan ka

Na tila hinahablot ang aking puso

Nanabik na hawakan mo tulad ng sa iba

 

Ang iyong presensya sa bawal galaw ng oras

Parang tila mga kamay ko’y hawak

Kahit hindi man lang talaga

At masaya ang puso kong nagpapanggap na masaya

 

Ang hipit ng iyong mga yakap

Tuluyan ko nang pinabitaw

Masakit man at nasanay

Pero wala na, pagod na magpanggap pa.

Tuesday, November 7, 2023

TULDOK-KUWIT

 
Minsan sa sulok ng aking isipan
Ang aking kaibigang kadilima’y kumakaway.
Sumisitsit... Sumisigaw…
At ngumingiti kapag aking atensyon ay napukaw.
 
Minsan sa gitna ng aking paglalakbay
Kaibigang kadilima’y gustong makisakay
Humaharang… Nagpupumilit…
At masaya siya ay aking isabay.
 
At ngayong siya’y aking nang kasabay,
Saan patungo nga ba ang aming paglalakbay?
Sa katahimikan bang kanyang inaalok?
O nakaririnding patutunguhan?
 
Oo, gusto kong sumama;
Oo, gusto ko ng katahimikan;
Oo, gusto ko makatakas sa kalungkutan;
Oo, gusto ko ngumiti nang tunay;

Tuesday, February 11, 2020

Isang Bukas na Liham ng isang Gurong Babad sa Social Media


Sa aking mga mag-aaral sa mga lumipas na taon,

Kamusta na kayo? Naaalala nyo pa kaya ako, ang inyong guro marahil noong kayo ay nasa pre-school, elementarya o sekondarya, sa asignaturang wika, ingles man o sa sariling wika. Gaano katagal na nga ba noong huling bumati ako sa inyo ng "magandang umaga/hapon?" Present ka ba noong huling beses akong namaalam sa inyong klase dahil sa pagwawakas ng taong panuruan? Gayunpaman, kayo ay naaalala ko pa din sa tuwina.

Ako ay nagagalak tuwing kayo ay aking nakikitang masaya sa inyong piniling tahakin o larangan. Kung kaya, tuwing ako ay nag-rereact sa inyong mga post sa social media o minsan man ay nagkokomento na din dahil ang tunay ay higit pa sa mga reactions ang aking nadarama sa tuwina. Kulang ang mga salita upang masabi ko at maipadama ko ang galak ng aking puso. Buti na lang at kahit paano ay techie si Ma'am! Nagagawa ko pa din tuloy sundan ang mga batang naging dahilan ng paggising ko sa bawat umaga, mula Lunes at Biyernes. At minsan pa'y may Sabado at Linggo pa na magkasama. Gusto ko lang din malaman ninyo na ang inyong tagumpay at kaligayahan ay patuloy na magdadala ng kilig sa aking puso. Ito ang aking tunay na kayamanan na kailanman ay walang maitutumbas na halaga ng salapi.

Ngunit, ako ay lumuluha tuwing nadarama ko ang pagod na idinulot ng buhay sa inyo. Minsan naiisip ko na dapat hinayaan pa kayo ng langit nakadama ng higit na ligaya bago harapin ang hirap ng mundo. Minsan naiisip ko, kulang pa ba ang mga naituro ko upang maging lubos kayong magung handa sa katotohanan ng buhay. Kulang pa ba ang mga panitikan na ating tinalakay? O masyado pa ba itong mababaw upang sumalamin sa tunay na bagsik ng mundo? Pero sino ba ang nakatatarok sa tunay na plano ng Diyos? Kaya aking na lamang ipapanalangin na bigyan ka pa ng katatagan at lakas. At higit sa lahat, naririto si Ma'am upang makipagkwentuhan at hindi ako magsasawa na sabihin na kaya mo yan.

At siyempre, ako ay natutuwa tuwing nakikita ko kung paano ka bumalikwas sa iyong naging pagkakamali sa buhay. Natutuwa akong isipin na namayani pa din sa iyo ang aral na maaaring iyong nalimot sa ilang sandali pero nagawa mo pa din hablutin pabalik sa iyong buhay. Natutuwa ako na muli ay nakabalik ka na upang itama ang mali at simulan na ang iyong mga hakbang patungo sa tagumpay. Kung nahihiya ka man dahil maliliit ang iyong mga hakbang... huwag. Ang mahalaga ay natuto kang humakbang muli upang makalayo sa puwesto na magsisilbing kumunoy sa katagalan na tuluyan ka nang lalamunin upang huwag makaahon. Dahan-ahan man ang galaw, unti-unti man ang usad, ang mahalaga ay wala ka na sa dating madilim na puwesto na iyong kinalagyan. Ang mahalaga ay ginusto mo magbago. At dahil diyan, ipinagmamalaki kita!

Ngunit patuloy akong nalulungkot tuwing mayroong sumusuko. Huwag! Kayo ang aking sandigan. Ang mga alaala natin sa loob at labas silid-aralan, ang mga tawanan, asaran at iringan man ay ang dahilan kung bakit ako nanatili sa pagtuturo. Ang ating mga alaala ang patuloy na gumuguhit ng ngiti sa aking mga labi. At nais ko pa na dumating ang panahon na maturuan din at makatawanan ang inyong mga anak at sabihin "aba yung tatay/nanay mo, kasing kulit mo din siya." O maaari din maikwento ko pa sa kanila kung paano ka nagsimula mangarap. Kaya kapit lang. Huwag mong isiping sumuko dahil hindi ako sumusuko anumang pagod dahil sa inyo. Dahil sa inyo, ako ay magpapatuloy.

Ako lamang ay may ilang hiling at kung ako man ay mapagbigyan ay lubos kong pasasalamantan.

Una, huwag kang magtampo o magalit kung malimot ko man ang iyong pangalan. Sa bawat humigit 200 na bata na aking tinuturuan sa bawat taon na dumaraan, malimot man ang iyong pangalan ay hindi ko pa din nabubura sa aking puso ang iyong mukha at alaala na mayroon noong ako ay guro mo pa, kabutihan man yun o kalokohan. Kaya kung ako man ay makalimot, huwag magdalawang isip magpakilala at sabay natin alalahanin at tawanan ang lumipas na panahon.

Ikalawa, tuwing ikaw ay nakakasalubong ko sa daan, huwag man lang ipagdamot ang iyong mga ngiti na nakikita ko noon sa ating silid-aralan. Ang simpleng pagbati mula sa inyo ay ang nagsisilbing bitamina ng aking pusong may hangarin magsilbing bilang guro, kaibigan at magulang sa mga batang dinadala sa amin upang ipagkatiwala sa loob ng 10 buwang mabilis na lumipas.

Ikatlo, patuloy ninyo sanang isabuhay ang mga aral na naituro namin sa inyo. Ang mga parangal ay sekondarya lamang na dahilan upang magpunyagi sa larangan ito dahil ang tunay parangal namin ay kayo, kayo na nasa wastong direksyon ng buhay.

Sana maunawaan ninyo na patuloy na tumatanda si Ma'am. Pero ang alaala nating ay hindi tumatanda bagkus, ito sikreto ng aming bumabatang puso at isipan. Tanging tuhod at kasukasuhan nga lang ang aming kalaban. 😆

Sulit ang pagtanda sa larangang ito kung ito ay kasabay ng pagkakataon na maging bahagi ako ng inyong buhay, at isa rin ito sa aking mga pribelehiyo. Tunay nga na ang pagiging GURO ay isang propesyon na nagsisilbi na din naming maging dahilan upang patuloy na mabuhay. Muli, salamat sa pagkakataon at sa patuloy na pag-alala.

Nagmamahal,
Ang iyong Gurong Follower mo sa Social Media 😉

Monday, July 22, 2019

TOUCH MOVE


Umaga na pala. Lumipas ang magdamag nang hindi ko namamalayan habang nag-iisip kung paano nga baa ng gagawin kong panimula. Pinupuno ng salitang paano ang aking isipan ngunit walang salita o pahayag na tugon dito ang hinayaang pumasok ng tulala kong isipan.
Paano? Mahina kong bigkas na nasundan ng isang buntong hininga. Tumagilid ako. Humarap ako sa kanya. Mahimbing pa din ang kanyang tulog kaya kahit gusto ko siya haplusin o yakapin ay hindi ko magawa sa takot na maistorbo siya sa kanyang mahimbing na paglalakbay sa mundo ng panaginip.
Ilang araw ko na din hindi napapaginipan ang aking paboritong senaryo; ako, siya at isang batang munti na nahawak sa aming mga kamay. Ang sarap pakinggan ang kanyang munting halakhak at tinig. At sa pagmulat ng aking mga mata ay nakangiti akong bubungad sa mundo at masayang ikukuwento sa kanya na muli ay naulit ang isang napakagandang panaginip.
Ilang buwan na din pala kaming hindi nagkukwentuhan sa higaan: bago matulog at sa pagkagising. Sa lumipas na tatlong taon ay nakasanayan na naming sulitin ang pagkakataong ito dahil ito lamang ang aming pagkakataon magkasama sa bawat araw na lumipas. Mahal ko kasi ang aking trabaho kaya lubusan kong tinutukan ito at nalilimutan ang halaga ng pag-uwi ng maaga. Nalimutan ko na din na mayroong naghihintay sa akin.
“Bakit hindi mo ko ginising?” Wika niya kasabay ng paghaplos sa aking mga pisngi. Hindi ko 111namalayan na gising na pala siya. “Kanina ka pa ba gising?”
Ngumiti lang ako. Bumangon na ako pero pinigil ako ng pag-ikot ng aking paningin.
“Mahal, bakit?” Nag-aalalang sambit niya. “Ako na maghahanda ng almusal. Pahinga ka muna diyan.”
Ngumiti na lamang ako at tumango. Tinignan ko na lamang siyang tumayo mula sa aming higaan at lumabas sa pintong hindi na kinakailangang isara. Ang ganda ng kanyang gising at sino ba ako para sirain ito.
“Mahal ubos na pala yung supplies natin.” Wika niya sa pagitan ng pagsubo ng kanyang inihandang almusal. “Gusto ko din sanang manood ng sine eh. Parang ang tagal na kasi ng huli, ‘di ba?”
“Sige.” Tipid kong tugon.
Ngumiti lamang siya at tinuloy nya ang pagkain. Mukhang excited na siya. Gusto ko din sanang maging masaya at manabik sa aming gagawing pagdedate pero hindi ko kaya.
“Mayroon pa ba tayong hindi nabili?” Masaya ang tinig niyang wika. “Mahal, pagkatapos natin magbayad ay dalhin muna natin ito sa sasakyan at saka tayo manood ng sine.”
Tango lang ang aking tugon.
“Bakit ang tahimik mo, Mahal?” Nag-aalala niyang wika. Masama pa din ba pakiramdam mo? Baka malapit na kaya ganyan ka ngayon. Teka, kukuha ako ng feminine napkins in case na kailangan mo sa mga susunod na araw.”
“Huwag na.” Nanginginig ang aking tinig sa pagwika ng mumunting tugon. Napayuko na lamang ako at pumatak na ang mga luha mula sa aking mga mata. “Hindi ko na kailangan nyan sa ngayon.”
Natahimik kami pareho. Nagbayad ng pinamili. Dumiretso sa kotse. Umupo ako sa aking kinasanayang puwesto at siya ay abala pa din sa pagkakarga ng mga pinamiling halos lahat ay ang aking gusto. Sumakay siya at naupo. Hindi ko mapigilan ang pagluha. Tila ako ay napipi sa aking kinauupuan. Gusto kong gumalaw pero parang naparalisa na ang aking buong katawan.
“Mahal, huwag ka ng umiyak.” Garalgal na kanyang tinig. “Alam ko naman na ako ang mayroong problema.”
Sa wakas ay nagawa kong igalaw ang aking katawan. Napalingon ako sa kanya at nakangiti siya habang lumuluha.
“Hindi ka galit?”
“Paano ko naman magagawang magalit sa taong mahal ko?” Niyakap niya ako ng mahigpit.
“Patawad, hindi ko dapat…” Hindi ko na natapos ang aking sasabihin. Hindi ko na kayang magsalita at ilahad ang aking mga bakit.
“Huwag ka nang umiyak. Ako ang nagkulang…” Nakangiti pa din siya pero bakas pa din ang luha niya sa mga mata. “Sana lalaki siya pero okay lang din naman kung babae.”
Pinaandar na niya ang sasakyan. Kuwento siya ng kuwento kasabay ng maingat na pagmamaneho. Nasasabik na siya sa pagdating ng munting anghel sa aming tahimik na tahanan.

Thursday, July 18, 2019

LATE NOTICE


Sabado.
Tulad ng mga nakaraang linggo sa loob ng limang taong lumipas ay ito na ang aking nakasanayan, gigising ako at iiwanang nakahiga sa aming higaan si Jaime na bakas pa din ang bigat ng nagdaang limang araw. Sa kanyang paggising ay handa na ang aking nilutong almusal. At habang naghihintay ng takdang oras ng kanyang paggising, sinimulan ko na din linisin ang aming tahanang tanging alikabok lamang ang nawawalisan at napupunasan. 
“Ali, bakit hindi mo ko ginising agad?” Pupungas-pungas na bati sa akin ng aking asawa. “Para sana sabay tayong nagluto ng almusal.”
“Para kasing pagod na pagod ka mula sa trabaho eh…” Wika ko habang nagsasalin ng kanyang kape na kanina ko pa maingat na inihanda. “Ito na kape mo.”
“Salamat, Ali.” Nakangiting wika ni Jaime. “Tara na, kain na tayo. Ako na bahala sa mga hugasin para makaligo ka na pagkakain. Saan mo ba tayo pupunta ngayong araw na ito?”
“Pumunta na lamang tayo sa pinakamalapit na mall. May kailangan din kasi akong bilhin paper supplies.”
“Mag-grocery na din tayo.” 
“Uwi na lang din tayo agad. Medyo masama ang pakiramdam ko eh.”
Ito ang masayang senaryo ng aming buhay. Tuwing araw na ito ay nagsisilbing appointment naming para sa isa’t isa. Ang araw ng Sabado ay para sa aming dalawa.
Sa loob ng mahabang panahon, kahit walang listahan ay alam na naming ang kailangan naming bilhin. Alam na din naming ang mga lokasyon ng aming mga kailangan sa grocery ng sikat na mall na aming madalas puntahan. 
“Hindi ba kalagitnaan na nang buwan ngayon?” Naglalakad na wika ni Jaime habang tulak-tulak ang push cart na puno ng aming gagamitin sa loob ng isang linggo. “Kailangan mo na ito.”
Dumiretso siya patungo sa section ng mga feminine napkins. Dinampot niya ang brand at klase na madalas alam niyang aking ginagamit. Tumingin ako sa kanyang mga mata. Wala na ang bakas ng lungkot tuwing susubukan naming alamin kung an gaming munting tahanan ay madadagdagan na ng munting tinig mula sa aming tunay na pagmamahalan. Mukhang sanay na siya.
“Huwag na tayong bumili niyan.” Seryosong wika ko.
Napatingin siya sa akin ng buong pagtataka. 
“Hindi ko na kailangan nyan…” Ngumiti ako sabay pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata.
Si Jaime naman ay lumuha din at niyakap ako ng napakahigpit sa kalagitnaan ng mundong tila kami na lang ang natira. 

Sunday, March 3, 2019

ASPEKTO NG PANDIWA


Mahal kita…Noon pa…
Simula pa ung una kitang makilala…
Ngunit mas matimbang ang mga salitang…
Ingat ka na minsang nagkakasabay pa…

Minahal kita…Noon pa…
Lalo na noong lagi na kitang nakakasama…
Tawanang pumupuno sa ating oras…
Mga usapang tayo lang ang nakauunawa…

Minamahal kita… Noon pa…
Lalo na ngayong aking nadarama
Ang tamis ng iyong matabang na presensya
At umaasang lilipas ang panahong kapiling ka.

Mamahalin pa din kita… tulad noong una…
Lalo na ngayong gusto namang sumaya…
Ngunit sisiguraduhing sa piling mo na…
Upang hanggang sa huli’y maalagaan din kita.

Tuesday, February 26, 2019

AKTIBO NGAYON


Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Maganda umaga...
Magandang tanghali...
Magandang gabi...
Mga pagbating tila kay dali,
Ngunit  ang pagtipa ay hindi mawari.

Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Kamusta ang araw mo?
Kumain ka na ba?
Saan ka na?
Nakauwi ka na ba?
Mababaw man pero puno ng pag-alala,
Ngunit baka ikaw ay maabala.

Buntong hininga sa pagsilay ng luntiang ilaw
Kasing lalim ng piping pag-aalala
Nanabik na ikaw ay mauna,
Maunang tumipa ng mga letra.
Puso ko'y mananabik sa pagsayaw ng tatlong tuldok.
Susundan ng nakapanapanabik na tunog.
Hatid ay ngiting nagmantsa sa aking sistema
Ngunit hanggang ngayon ay wala pa.

Ako ay patuloy na aasa,
Maghihintay na ikaw ay makaalala.
At kapag hindi ko na kinaya,
Iisipin na lamang kita sa tuwina.