Thursday, July 18, 2019

LATE NOTICE


Sabado.
Tulad ng mga nakaraang linggo sa loob ng limang taong lumipas ay ito na ang aking nakasanayan, gigising ako at iiwanang nakahiga sa aming higaan si Jaime na bakas pa din ang bigat ng nagdaang limang araw. Sa kanyang paggising ay handa na ang aking nilutong almusal. At habang naghihintay ng takdang oras ng kanyang paggising, sinimulan ko na din linisin ang aming tahanang tanging alikabok lamang ang nawawalisan at napupunasan. 
“Ali, bakit hindi mo ko ginising agad?” Pupungas-pungas na bati sa akin ng aking asawa. “Para sana sabay tayong nagluto ng almusal.”
“Para kasing pagod na pagod ka mula sa trabaho eh…” Wika ko habang nagsasalin ng kanyang kape na kanina ko pa maingat na inihanda. “Ito na kape mo.”
“Salamat, Ali.” Nakangiting wika ni Jaime. “Tara na, kain na tayo. Ako na bahala sa mga hugasin para makaligo ka na pagkakain. Saan mo ba tayo pupunta ngayong araw na ito?”
“Pumunta na lamang tayo sa pinakamalapit na mall. May kailangan din kasi akong bilhin paper supplies.”
“Mag-grocery na din tayo.” 
“Uwi na lang din tayo agad. Medyo masama ang pakiramdam ko eh.”
Ito ang masayang senaryo ng aming buhay. Tuwing araw na ito ay nagsisilbing appointment naming para sa isa’t isa. Ang araw ng Sabado ay para sa aming dalawa.
Sa loob ng mahabang panahon, kahit walang listahan ay alam na naming ang kailangan naming bilhin. Alam na din naming ang mga lokasyon ng aming mga kailangan sa grocery ng sikat na mall na aming madalas puntahan. 
“Hindi ba kalagitnaan na nang buwan ngayon?” Naglalakad na wika ni Jaime habang tulak-tulak ang push cart na puno ng aming gagamitin sa loob ng isang linggo. “Kailangan mo na ito.”
Dumiretso siya patungo sa section ng mga feminine napkins. Dinampot niya ang brand at klase na madalas alam niyang aking ginagamit. Tumingin ako sa kanyang mga mata. Wala na ang bakas ng lungkot tuwing susubukan naming alamin kung an gaming munting tahanan ay madadagdagan na ng munting tinig mula sa aming tunay na pagmamahalan. Mukhang sanay na siya.
“Huwag na tayong bumili niyan.” Seryosong wika ko.
Napatingin siya sa akin ng buong pagtataka. 
“Hindi ko na kailangan nyan…” Ngumiti ako sabay pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata.
Si Jaime naman ay lumuha din at niyakap ako ng napakahigpit sa kalagitnaan ng mundong tila kami na lang ang natira. 

No comments:

Post a Comment