Tuesday, February 11, 2020

Isang Bukas na Liham ng isang Gurong Babad sa Social Media


Sa aking mga mag-aaral sa mga lumipas na taon,

Kamusta na kayo? Naaalala nyo pa kaya ako, ang inyong guro marahil noong kayo ay nasa pre-school, elementarya o sekondarya, sa asignaturang wika, ingles man o sa sariling wika. Gaano katagal na nga ba noong huling bumati ako sa inyo ng "magandang umaga/hapon?" Present ka ba noong huling beses akong namaalam sa inyong klase dahil sa pagwawakas ng taong panuruan? Gayunpaman, kayo ay naaalala ko pa din sa tuwina.

Ako ay nagagalak tuwing kayo ay aking nakikitang masaya sa inyong piniling tahakin o larangan. Kung kaya, tuwing ako ay nag-rereact sa inyong mga post sa social media o minsan man ay nagkokomento na din dahil ang tunay ay higit pa sa mga reactions ang aking nadarama sa tuwina. Kulang ang mga salita upang masabi ko at maipadama ko ang galak ng aking puso. Buti na lang at kahit paano ay techie si Ma'am! Nagagawa ko pa din tuloy sundan ang mga batang naging dahilan ng paggising ko sa bawat umaga, mula Lunes at Biyernes. At minsan pa'y may Sabado at Linggo pa na magkasama. Gusto ko lang din malaman ninyo na ang inyong tagumpay at kaligayahan ay patuloy na magdadala ng kilig sa aking puso. Ito ang aking tunay na kayamanan na kailanman ay walang maitutumbas na halaga ng salapi.

Ngunit, ako ay lumuluha tuwing nadarama ko ang pagod na idinulot ng buhay sa inyo. Minsan naiisip ko na dapat hinayaan pa kayo ng langit nakadama ng higit na ligaya bago harapin ang hirap ng mundo. Minsan naiisip ko, kulang pa ba ang mga naituro ko upang maging lubos kayong magung handa sa katotohanan ng buhay. Kulang pa ba ang mga panitikan na ating tinalakay? O masyado pa ba itong mababaw upang sumalamin sa tunay na bagsik ng mundo? Pero sino ba ang nakatatarok sa tunay na plano ng Diyos? Kaya aking na lamang ipapanalangin na bigyan ka pa ng katatagan at lakas. At higit sa lahat, naririto si Ma'am upang makipagkwentuhan at hindi ako magsasawa na sabihin na kaya mo yan.

At siyempre, ako ay natutuwa tuwing nakikita ko kung paano ka bumalikwas sa iyong naging pagkakamali sa buhay. Natutuwa akong isipin na namayani pa din sa iyo ang aral na maaaring iyong nalimot sa ilang sandali pero nagawa mo pa din hablutin pabalik sa iyong buhay. Natutuwa ako na muli ay nakabalik ka na upang itama ang mali at simulan na ang iyong mga hakbang patungo sa tagumpay. Kung nahihiya ka man dahil maliliit ang iyong mga hakbang... huwag. Ang mahalaga ay natuto kang humakbang muli upang makalayo sa puwesto na magsisilbing kumunoy sa katagalan na tuluyan ka nang lalamunin upang huwag makaahon. Dahan-ahan man ang galaw, unti-unti man ang usad, ang mahalaga ay wala ka na sa dating madilim na puwesto na iyong kinalagyan. Ang mahalaga ay ginusto mo magbago. At dahil diyan, ipinagmamalaki kita!

Ngunit patuloy akong nalulungkot tuwing mayroong sumusuko. Huwag! Kayo ang aking sandigan. Ang mga alaala natin sa loob at labas silid-aralan, ang mga tawanan, asaran at iringan man ay ang dahilan kung bakit ako nanatili sa pagtuturo. Ang ating mga alaala ang patuloy na gumuguhit ng ngiti sa aking mga labi. At nais ko pa na dumating ang panahon na maturuan din at makatawanan ang inyong mga anak at sabihin "aba yung tatay/nanay mo, kasing kulit mo din siya." O maaari din maikwento ko pa sa kanila kung paano ka nagsimula mangarap. Kaya kapit lang. Huwag mong isiping sumuko dahil hindi ako sumusuko anumang pagod dahil sa inyo. Dahil sa inyo, ako ay magpapatuloy.

Ako lamang ay may ilang hiling at kung ako man ay mapagbigyan ay lubos kong pasasalamantan.

Una, huwag kang magtampo o magalit kung malimot ko man ang iyong pangalan. Sa bawat humigit 200 na bata na aking tinuturuan sa bawat taon na dumaraan, malimot man ang iyong pangalan ay hindi ko pa din nabubura sa aking puso ang iyong mukha at alaala na mayroon noong ako ay guro mo pa, kabutihan man yun o kalokohan. Kaya kung ako man ay makalimot, huwag magdalawang isip magpakilala at sabay natin alalahanin at tawanan ang lumipas na panahon.

Ikalawa, tuwing ikaw ay nakakasalubong ko sa daan, huwag man lang ipagdamot ang iyong mga ngiti na nakikita ko noon sa ating silid-aralan. Ang simpleng pagbati mula sa inyo ay ang nagsisilbing bitamina ng aking pusong may hangarin magsilbing bilang guro, kaibigan at magulang sa mga batang dinadala sa amin upang ipagkatiwala sa loob ng 10 buwang mabilis na lumipas.

Ikatlo, patuloy ninyo sanang isabuhay ang mga aral na naituro namin sa inyo. Ang mga parangal ay sekondarya lamang na dahilan upang magpunyagi sa larangan ito dahil ang tunay parangal namin ay kayo, kayo na nasa wastong direksyon ng buhay.

Sana maunawaan ninyo na patuloy na tumatanda si Ma'am. Pero ang alaala nating ay hindi tumatanda bagkus, ito sikreto ng aming bumabatang puso at isipan. Tanging tuhod at kasukasuhan nga lang ang aming kalaban. 😆

Sulit ang pagtanda sa larangang ito kung ito ay kasabay ng pagkakataon na maging bahagi ako ng inyong buhay, at isa rin ito sa aking mga pribelehiyo. Tunay nga na ang pagiging GURO ay isang propesyon na nagsisilbi na din naming maging dahilan upang patuloy na mabuhay. Muli, salamat sa pagkakataon at sa patuloy na pag-alala.

Nagmamahal,
Ang iyong Gurong Follower mo sa Social Media 😉

No comments:

Post a Comment