Monday, July 22, 2019

TOUCH MOVE


Umaga na pala. Lumipas ang magdamag nang hindi ko namamalayan habang nag-iisip kung paano nga baa ng gagawin kong panimula. Pinupuno ng salitang paano ang aking isipan ngunit walang salita o pahayag na tugon dito ang hinayaang pumasok ng tulala kong isipan.
Paano? Mahina kong bigkas na nasundan ng isang buntong hininga. Tumagilid ako. Humarap ako sa kanya. Mahimbing pa din ang kanyang tulog kaya kahit gusto ko siya haplusin o yakapin ay hindi ko magawa sa takot na maistorbo siya sa kanyang mahimbing na paglalakbay sa mundo ng panaginip.
Ilang araw ko na din hindi napapaginipan ang aking paboritong senaryo; ako, siya at isang batang munti na nahawak sa aming mga kamay. Ang sarap pakinggan ang kanyang munting halakhak at tinig. At sa pagmulat ng aking mga mata ay nakangiti akong bubungad sa mundo at masayang ikukuwento sa kanya na muli ay naulit ang isang napakagandang panaginip.
Ilang buwan na din pala kaming hindi nagkukwentuhan sa higaan: bago matulog at sa pagkagising. Sa lumipas na tatlong taon ay nakasanayan na naming sulitin ang pagkakataong ito dahil ito lamang ang aming pagkakataon magkasama sa bawat araw na lumipas. Mahal ko kasi ang aking trabaho kaya lubusan kong tinutukan ito at nalilimutan ang halaga ng pag-uwi ng maaga. Nalimutan ko na din na mayroong naghihintay sa akin.
“Bakit hindi mo ko ginising?” Wika niya kasabay ng paghaplos sa aking mga pisngi. Hindi ko 111namalayan na gising na pala siya. “Kanina ka pa ba gising?”
Ngumiti lang ako. Bumangon na ako pero pinigil ako ng pag-ikot ng aking paningin.
“Mahal, bakit?” Nag-aalalang sambit niya. “Ako na maghahanda ng almusal. Pahinga ka muna diyan.”
Ngumiti na lamang ako at tumango. Tinignan ko na lamang siyang tumayo mula sa aming higaan at lumabas sa pintong hindi na kinakailangang isara. Ang ganda ng kanyang gising at sino ba ako para sirain ito.
“Mahal ubos na pala yung supplies natin.” Wika niya sa pagitan ng pagsubo ng kanyang inihandang almusal. “Gusto ko din sanang manood ng sine eh. Parang ang tagal na kasi ng huli, ‘di ba?”
“Sige.” Tipid kong tugon.
Ngumiti lamang siya at tinuloy nya ang pagkain. Mukhang excited na siya. Gusto ko din sanang maging masaya at manabik sa aming gagawing pagdedate pero hindi ko kaya.
“Mayroon pa ba tayong hindi nabili?” Masaya ang tinig niyang wika. “Mahal, pagkatapos natin magbayad ay dalhin muna natin ito sa sasakyan at saka tayo manood ng sine.”
Tango lang ang aking tugon.
“Bakit ang tahimik mo, Mahal?” Nag-aalala niyang wika. Masama pa din ba pakiramdam mo? Baka malapit na kaya ganyan ka ngayon. Teka, kukuha ako ng feminine napkins in case na kailangan mo sa mga susunod na araw.”
“Huwag na.” Nanginginig ang aking tinig sa pagwika ng mumunting tugon. Napayuko na lamang ako at pumatak na ang mga luha mula sa aking mga mata. “Hindi ko na kailangan nyan sa ngayon.”
Natahimik kami pareho. Nagbayad ng pinamili. Dumiretso sa kotse. Umupo ako sa aking kinasanayang puwesto at siya ay abala pa din sa pagkakarga ng mga pinamiling halos lahat ay ang aking gusto. Sumakay siya at naupo. Hindi ko mapigilan ang pagluha. Tila ako ay napipi sa aking kinauupuan. Gusto kong gumalaw pero parang naparalisa na ang aking buong katawan.
“Mahal, huwag ka ng umiyak.” Garalgal na kanyang tinig. “Alam ko naman na ako ang mayroong problema.”
Sa wakas ay nagawa kong igalaw ang aking katawan. Napalingon ako sa kanya at nakangiti siya habang lumuluha.
“Hindi ka galit?”
“Paano ko naman magagawang magalit sa taong mahal ko?” Niyakap niya ako ng mahigpit.
“Patawad, hindi ko dapat…” Hindi ko na natapos ang aking sasabihin. Hindi ko na kayang magsalita at ilahad ang aking mga bakit.
“Huwag ka nang umiyak. Ako ang nagkulang…” Nakangiti pa din siya pero bakas pa din ang luha niya sa mga mata. “Sana lalaki siya pero okay lang din naman kung babae.”
Pinaandar na niya ang sasakyan. Kuwento siya ng kuwento kasabay ng maingat na pagmamaneho. Nasasabik na siya sa pagdating ng munting anghel sa aming tahimik na tahanan.

Thursday, July 18, 2019

LATE NOTICE


Sabado.
Tulad ng mga nakaraang linggo sa loob ng limang taong lumipas ay ito na ang aking nakasanayan, gigising ako at iiwanang nakahiga sa aming higaan si Jaime na bakas pa din ang bigat ng nagdaang limang araw. Sa kanyang paggising ay handa na ang aking nilutong almusal. At habang naghihintay ng takdang oras ng kanyang paggising, sinimulan ko na din linisin ang aming tahanang tanging alikabok lamang ang nawawalisan at napupunasan. 
“Ali, bakit hindi mo ko ginising agad?” Pupungas-pungas na bati sa akin ng aking asawa. “Para sana sabay tayong nagluto ng almusal.”
“Para kasing pagod na pagod ka mula sa trabaho eh…” Wika ko habang nagsasalin ng kanyang kape na kanina ko pa maingat na inihanda. “Ito na kape mo.”
“Salamat, Ali.” Nakangiting wika ni Jaime. “Tara na, kain na tayo. Ako na bahala sa mga hugasin para makaligo ka na pagkakain. Saan mo ba tayo pupunta ngayong araw na ito?”
“Pumunta na lamang tayo sa pinakamalapit na mall. May kailangan din kasi akong bilhin paper supplies.”
“Mag-grocery na din tayo.” 
“Uwi na lang din tayo agad. Medyo masama ang pakiramdam ko eh.”
Ito ang masayang senaryo ng aming buhay. Tuwing araw na ito ay nagsisilbing appointment naming para sa isa’t isa. Ang araw ng Sabado ay para sa aming dalawa.
Sa loob ng mahabang panahon, kahit walang listahan ay alam na naming ang kailangan naming bilhin. Alam na din naming ang mga lokasyon ng aming mga kailangan sa grocery ng sikat na mall na aming madalas puntahan. 
“Hindi ba kalagitnaan na nang buwan ngayon?” Naglalakad na wika ni Jaime habang tulak-tulak ang push cart na puno ng aming gagamitin sa loob ng isang linggo. “Kailangan mo na ito.”
Dumiretso siya patungo sa section ng mga feminine napkins. Dinampot niya ang brand at klase na madalas alam niyang aking ginagamit. Tumingin ako sa kanyang mga mata. Wala na ang bakas ng lungkot tuwing susubukan naming alamin kung an gaming munting tahanan ay madadagdagan na ng munting tinig mula sa aming tunay na pagmamahalan. Mukhang sanay na siya.
“Huwag na tayong bumili niyan.” Seryosong wika ko.
Napatingin siya sa akin ng buong pagtataka. 
“Hindi ko na kailangan nyan…” Ngumiti ako sabay pagpatak ng mga luha mula sa aking mga mata.
Si Jaime naman ay lumuha din at niyakap ako ng napakahigpit sa kalagitnaan ng mundong tila kami na lang ang natira.